Nag-viral ang wedding vow video ng bride na si Karisma Balanday o mas kilala bilang Rhyzz.
Ang nag-post ng viral video noong January 9, 2022, ay si Carizza Jane Temonera, kaibigan ni Rhyzz.

Sa video ay walang humpay ang tawanan ng mga bisita sa kasal habang sinasambit ni Rhyzz sa kanyang groom na si Jaypie Balanday ang kanyang wedding vow.
Naririto ang kabuuan ng kanyang pangako sa mister:
“Every time na tinatanong tayo ng mga tao kung paano mo ako niligawan, ang lagi mo lang isinasagot kasi nagpapa-cute ako sa iyo sa branch.
“Pero sige na nga, aaminin ko, totoong nagpapa-cute ako sa iyo.
“Kasi ang akala ko, sa iyo yung passbook na dala-dala mo!
“Thank you for loving my imperfections. Salamat sa pagmamahal lalo na sa mga pagkakataon na parang ang hirap-hirap kong mahalin kasi napaka-spoiled ko. Napaka-bratinella ko. At higit sa lahat, selosa.
“Pero huwag kang mag-alala kasi kayang-kaya ko uling sumuot sa butas ng aircon para lang makipagbati sa iyo, hahaha!
“And lastly, salamat kasi sa akin mo piniling i-deposit yung pagmamahal mo.
“Huwag kang mag-alala kasi susuklian ko iyan ng maraming-maraming rewards.
“Pero pag dumating yung pagkakataon na gusto mo nang widrawhin yung pagmamahal mo sa akin, ooperan kita nang mas malaking interest para magbago yung isip mo.
“Sa araw na ito, sa harap ng Diyos, at ng mga bisita nating nakatapak, mahal kita at mamahalin kita hanggang sa huling hininga.”
Pero bahagi talaga ng love story nila ang mga salitang binitiwan ng bride para sa kanyang groom.
ANG KUWENTO SA LIKOD NG FUNNY WEDDING VOW
Nakapanayam si Rhyzz ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong January 20, 2022, via Facebook Messenger.
Marketing assistant siya sa isang bangko at doon sila nagkakilala ni Jaypie.

Pagbabahagi niya, “Teller ako noon 'tapos depositor siya. Nagkakataon naman na lagi siyang sa akin natatapat para mag-transact.”
Since magka-age lang sila, lagi silang nagkakabiruan.
Paglilinaw ni Rhyzz, “Alam ko namang hindi sa kanya yung passbook, hahaha! Sa kapatid niya kasi dun din siya nagwo-work nung time na yun.”
Hindi aniya love at first sight ang naramdaman niya kay Jaypie. At sabi umano ni Jaypie ay hindi rin ito attracted sa kanya.
“Pero hindi ako naniniwala kasi ipinagtatanong niya ako doon sa mga common friends namin sa Facebook, hahaha!”
Gayunpaman, hindi naramdaman ni Rhyzz na nanliligaw na sa kanya si Jaypie noon.
Aniya, “Hindi rin naman ako makapag-commit dati sa iba kasi, meron po akong BF nung mga time na nagde-deposit siya sa banko.
“Random chats and calls lang po kami, pero hindi ganun kadalas.”
Kalaunan ay nagdesisyon si Rhyzz na makipag-break na sa kanyang boyfriend.
“Doon na mas madalas kaming magkausap ni Jaypie sa phone. ‘Tapos sinusundo niya ako pag tapos na ang work ko.”
Hindi rin niya matandaan ang specific date kung kailan naging sila.
“Ang alam ko, 2013 yun. Basta na lang kami nagtawagan ng ‘babe,’ hahaha!”
July 23, 2016 ay nag-propose si Jaypie na magpakasal na sila.
MASAYA AT MADRAMANG RELASYON
Ayon kay Rhyzz ay masaya at madrama ang relationship nila ni Jaypie.
Pero may isa raw pangyayari na hindi malilimutan ni Rhyzz.
Kuwento niya, “Few weeks bago kami ikasal, nagkaroon kami ng misunderstanding.
"‘Tapos inaway ko siya nang inaway kahit alam kong ako yung mali, hahaha!”
Napikon aniya nang sobra sa kanya si Jaypie at hindi na siya kinausap. Hindi rin nagre-reply sa kanyang messages.
At kahit anong pagso-sorry ang gawin niya, hindi nito pinansin. Hindi na rin ito nagparamdam sa kanya.
“Natakot na ako!” ani Rhyzz.
Naisip daw niya, “Paano kung mag-quit siya sa wedding namin?”
Kaya kahit malalim na ang gabi ay pinuntahan niya si Jaypie sa bahay nito.
Pero kahit katok siya nang katok sa gate, walang sumasagot.
“’Tapos naka-lock yung buong bahay. Nagwo-worry na ako na baka mamaya kung napaano na siya.”
Isang mapangahas na desisyon ang ginawa niya. Nakita niya sa pader ng bahay nina Jaypie ang isang butas na pinaglagyan ng aircon.
“Ang ginawa ko, sumuot talaga ako dun sa butas ng aircon. Grabe, puro gasgas yung binti ko!”
Ang nakakatawa pa ayon kay Rhyzz, “Pagpasok ko sa loob ng bahay nila, naroon siya sa kuwarto niya at lasing lang pala. Inaway ko ulit siya, hahaha!”
Ikinasal sina Rhyzz at Jaime nuong January 8, 2017.
ON THE SPOT NA-COMPOSE ANG WEDDING VOW
Happy si Rhyzz na nag-viral muli ang kanyang wedding vow kahit five years na silang kasal ni Jaypie.
Mula nang i-post iyon ng kanyang kaibigan, mayroon na itong 58K reactions, 3.4K comments, at 32K shares.

Paliwanag niya kung bakit niya na-compose ang witty and funny na wedding vow, “Naaalala ko, nung single pa ako, lagi akong nanonood ng same-day edit videos ng mga ikinakasal, ‘tapos lagi kong inaabangan yung mga vows.
“Sinabi ko sa sarili ko na pag ikakasal din ako, gusto ko yung wedding vow ko, yung tipong hindi makakalimutan ng groom ko.”
Nasa wedding seminar sila ni Jaypie nang ma-compose niya iyon.
Nainip daw si Rhyzz sa pagdating ng magse-seminar sa kanila kaya nag-compose na siya sa kanyang phone para hindi sayang ang oras.
“Nai-type ko siya sa phone ko on the spot. Lahat nang nasa isip ko. Hindi ko din maisip na mako-compose ko siya nang ganun kaganda.
"Kahit ako nung binabasa ko na siya sa sarili ko, naiiyak at natatawa na rin ako.”
Overwhelmed din siya sa naging impact ng kanyang wedding vow sa mga nakakapanood nito.
“Marami pong nagsasabi na tagos daw po sa puso yung vow. At kahit paulit-ulit panoorin, hindi sila nagsasawa.
“Totoo naman po yun. Wala na sigurong mas sasaya pa para sa isang babae na tulad ko na hindi naging madali yung journey pagdating sa love, na maikasal, finally, sa tamang tao.”

Nang kumustahin ang kanilang married life ni Jaypie, matapat na sambit ni Rhyzz, “Katulad po ng ibang mag-asawa, hindi naman po perfect ang marriage namin.
"May mga times na nag-aaway kami. Pero siguro ang pinakaimportante ay yung huwag kayong mag-give up sa isa’t isa.
“Pag may achievement yung isa, i-cheer mo siya. Pag nakikita mo na bumabagsak, tulungan mo siyang bumangon.”