Patok ngayon ang bouquet na likha ni Vanessa Gabaza ng Guiguinto, Bulacan.
Puwede kasi itong kainin ng makatatanggap.

Kuwento niya sa panayam ng Mornings with GMA Regional TV nitong February 14, 2022, “Ang bouqcake po kasi ay pinagsamang bouquet at cupcakes.
“Special po siya dahil unique po. May edible flowers na, may cupcakes pa po kayong pagsasaluhan ng love ones mo kasi all edible siya and perfect din po siyang panregalo ngayong Valentine's Day.”

Ani Vanessa, nagsimula siyang magkaroon ng interes sa flower piping, ang paraan kung paano mag-design ng bouqcake, nang pumutok ang pandemya.
Naitayo niya ang kanyang cake business noong 2016 sa halagang PHP1,000.
“Pero naisipan ko lang siyang gawing Bouqcake Blooms noong August 2020.
“Yung pagpa-flower piping ko po, ginawa ko siyang parang in a bouquet form kasi di siya usual dito sa atin that time.
“Sabi ko, bakit di ko gawin na boucake yung cupcakes na puwede kong i-offer sa mga customer?”
BY REQUEST ANG DISENYO NG FLOWERS
Ang flowers na dini-design ni Vanessa ay customized batay sa request ng customers.
“So, kung gusto nila ng color na red, or pink, yun po ang gagawin ko. Saka kung may request sila na flowers.
“Hangga't kayang i-pipe, yun ang ginagawa ko para mas masaya sila at yung pagreregaluhan nila.”

Ang piping ang paraan ng pag-squeeze sa pastry bag para lumabas ang frosting o iba pang paste-like mixtures sa tip ng piping bag para makagawa ng mga dekorasyon sa cake o makalikha ng special shapes gaya ng mga bulaklak.
Bukod sa bouqcakes, gumagawa rin si Vanessa ng floral cakes.

“Hand-pipe flowers din po yung design ng cake, so hindi po siya artificial flowers. Manual ko rin siyang pina-pipe para maging design ng cake.”
Meron din siyang box bouqcake.
“Mini cake siya, nasa loob ng box, tapos may handpipe din na flowers na designs. Mostly po puro florals ang ginagawa ko.”
SIMPLE ANG PROSESO PERO IMPORTANTE ANG SKILLS
Sa kanyang paggawa ng bouqcake, unang inihahanda ni Vanessa ang mga molde ng cupcakes na kanyang gagamitin.
Sunod dito ang cream na gagamitin niya para sa flower piping.
Ready naman lagi ang kanyang piping tools gaya ng piping bag at piping kits.
Inihahanda na rin ni Vanessa ang cups na paglalagyan ng cupcakes na nilagyan niya ng bouquet wrapper.
"Dito po natin ilalagay yung mga na-decorate na natin na cupcakes."

Sa cupcakes siya direktang naglalagay ng disenyo ng mga bulaklak gamit ang piping tools.
Puwede rin naman aniyang sa flower nails gumawa ng design ng bulaklak at ilipat na lang sa cupcakes kapag naidisenyo.
Kapag natapos na niyang lagyan ng floral design ang cupcakes ay maingat niyang ina-arrange ang mga iyon sa cups at saka babalutin ng bouquet wrapper.
Patuloy pa ring hinahasa ni Vanessa ang kanyang skills sa paggawa ng bouqcake.
Saad niya, "Lagi akong nagpa-practice sa pag-pipe ng flowers. Kasi sa umpisa may challenge po talaga siya.
"Five years ago, nag-attend din ako ng mga trainings noong nagsisimula pa lang ako sa floral piping.
"Since fascinated talaga ako sa Korean art of flower piping, nagpa-train din ako sa isang international Korean association of cake designers. Para mas mahasa pa po yung natutunan kong skills.”
Payo niya sa mga mahilig gumawa ng floral cake at gusto ring pasukin ito bilang negosyo, “With practice po talaga kasi kailangan ninyong matutunan yung tamang pisil ng kamay para makabuo kayo ng realistic flowers.”