Isang lalaki sa Bukidnon ang biglang sinugod, kinagat, at sinipsip pa umano ang dugo sa kanyang mga daliri ng isang pang lalaki na nakahubad.
Matapos kumalat ang insidente, nagsimula ang mga post sa social media tungkol sa “zombie attack” na nangyari sa Barangay Tungan-tungan, Valencia City, Bukidnon noong February 17, 2022.
Idinetalye naman ng biktimang si Anthony Aremas ang ginawang pag-atake sa kanya ng aniya’y “aswang.”
Madaling araw ng Huwebes nang makarinig umano siya ng ingay sa labas ng kanyang kubo, kaya tiningnan niya ito.
Hindi niya inaasahan ang biglang pagsugod sa kanya ng isang lalaking walang saplot.
“Sinugod niya ako, sinakyan niya yung tiyan ‘tapos pinuntirya niya yung mata ko,” kuwento ni Anthony sa report ng Frontline Pilipinas noong February 21, 2022.
Narinig niya ang lalaki na sinabing dudukutin niya ang mga mata ni Anthony at kakainin ito.
Sinangga raw ng biktima ang lalaki, pero pinagkakagat nito ang kanyang mga kamay. Lubos din daw ang lakas ng lalaking umatake sa kanya.
Gamit ang kanyang mga kamay, pinigilan daw ni Anthony ang suspek na sinusubukang abutin ang kanyang leeg, pero sinisipsip daw ng suspek ang dugo sa kanyang mga daliri.
Naiwasan ni Anthony na makagat ang kanyang leeg, pero nakagat naman daw ang kanyng tainga.
May mga residenteng nakarinig sa ingay at lumapit sa pinangyarihan ng komosyon.
Dahil maliwanag ang buwan, nasaksikan daw nilang nanlilisik ang mga mata ng suspek at sinubukan silang habulin.
Tumakbo naman ang mga residente at humingi ng tulong sa mga kapit-bahay.
Nakakuha ng pagkakataon si Anthony at sinipa ang di kilalang lalaki.
Pagkatapos ay tumakbo siya at humingi ng tulong.
Isang saksi ang nagsabing paglapit ni Anthony sa kanila ay nakita nila ang nakahubong lalaki na humahabol na tumatalon-talon at hinahampas-hampas ang mga braso na parang lumilipad.
Nakita raw nila kung gaano kapula ang mga mata ng suspek.
Samantala, natukoy ng kapulisan ang suspek Carl Clinton Colinas, 25, na siyang sumugod kay Anthony.
Pag-amin ng suspek, lasing siya at wala sa maayos na pag-iisip kaya niya iyon nagawa.
Nagbigay rin ng pahayag ang Valencia investigation officer na si P/Lt. Pablo Jugos Jr.
“Base po sa interview natin sa kanya, normal naman po siya. Wala naman po tayong nakikita na signs na may diperensiya ang pag-iisip niya,” ani Jugos sa Frontline Pilipinas.
“Pero inamin niya din na before daw, may history siya na na-rehab.”
Sabi pa ni Jugos, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang kanyang live-in partner naging trigger ng kanyang agresibong kilos.
May pakiusap din ang pulis officer sa mga nagpakalat sa social media na “zombie attack” ang nangyari sa kanilang lugar.
Aniya, “Sana po wag po tayong masyadong mag-alala sa nabalitaan natin na ganoon, na zombie attack dahil wala pong katotohanan iyon.”
Aniya, maging resposable sa paggamit ng social media.