Anak ko ba talaga ito?
Nang dahil sa pagkakamali diumano sa pagkabit ng name tag, nagduda tuloy ang mga magulang kung talagang sa kanila ang bagong panganak na sanggol na iniabot sa kanila.
Iniimbestigahan ngayon ng Department of Health (DOH) Region VII ang insidenteng ito sa isang private hospital sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng Rise and Shine ng PTV-4 noong March 8, 2022, naghain ng pormal na reklamo ang Cebuano couple sa DOH Region VII laban sa pribadong ospital.
Kuwento ng ina, matapos niyang ma-operahan via Caesarian section, ipinaalam raw sa kanya ng medical staff ng ospital na babae ang kanyang anak.
Naka-indicate din sa birth certificate na “female” ang kasarian ng baby na ipinanganak noong February 2022.
Pagkatapos, dinala ang sanggol sa nursery at nanatili roon sa loob ng dalawang araw.
Kaya ikinagulat ng ina at ng kanyang mister nang makita nilang lalaki ang sanggol nang ibigay ito sa kanila.
Giit ng ina, “Female talaga ang pinirmahan ko roon, galing ako sa delivery room, hanggang sa papers, at birth certificate ng sanggol.”
Tuloy, ang excitement ng mag-asawa ay napalitan ng kalituhan, pagkabalisa, at kalungkutan.
Kuwento naman ng ama, “Kaya nasabi ko na, 'Lalaki pala ang ating anak, parang pinagloloko tayo nito.'
“Kaya agad akong pumunta sa nurse doon sa nursery.
“May isang doktor na nakausap ko, nag-explain sa akin na nagkamali raw sa paglagay ng name tag.”
Bunsod nito, hinihiling ng mga magulang na bigyan sila ng katibayan.
Sabi ng ina, “Hinihingi ko lang talaga sa kanila ang katibayan na isailalim kami ng sanggol sa DNA test.
“Dahil ang aking pinirmahan noong nanggaling ako sa delivery, babae man talaga.”
Wala pang inilabas na opisyal na pahayag ang ospital ukol sa isyu.
Sa kabilang banda, namagitan na ang DOH kaugnay nito.
Paniniyak nila, tutuparin nila ang tamang proseso sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
“We are already acting, 'No, like we could do our own initial call to the facility to get the real [story]… or inquiry,'” ani Dr. Sophia Mancao ng DOH Region VII.
Sa kabilang banda, nag-offer naman umano ng libreng DNA testing ang ospital, ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak noong March 5.
Pero hangad ng mag-asawa na isang independent group ang gumawa ng DNA testing para hindi sila magkaroon ng anumang pagdududa.
Ang nakalulungkot pa, sumailalim na sa ligation ang ina matapos malamang babae ang kanyang isinilang na sanggol.
Ang una kasi niyang tatlong anak ay mga lalaki.
Naghain ng reklamo ang mag-asawa dahil nais nilang maitama ang nangyaring pagkakamali at para magkaroon sila ng peace of mind.
