Umiiral ang demokrasya sa tahanan ng mag-asawang Wilmar at Mayflor Logatoc ng Pasig City.
Pareho silang 31 years old, 10 years nang kasal at may dalawang anak.
Isang shipping clerk si Wilmar, at freelance tax specialist naman si Mayflor.
Solid supporter ni Vice President Leni Robredo si Mayflor.
Ayon naman kay Wilmar nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong March 21, 2022 via Facebook Messenger, up to now ay wala pa siyang napipisil kung sino ang ibobotong presidente sa May 9 national elections.
“Undecided pa po ako,” ani Wilmar.
Ang nakatutuwa, hindi nila pinagdidiskusyunang mag-asawa ang isyu sa pulitika.
Sa katunayan, nang magdaos ng rally ang Leni-Kiko tandem sa Pasig City noong March 20 ay iginawa ni Wilmarn ng placard si Mayflor.
Ani Wilmar, “Sa ngayon hindi pa ako nakakapagdesisyon kung sino talaga iboboto ko.
"Dahil si Leni ang iboboto ni Misis, 'tapos mahal ko ang asawa ko, siyempre di naman puwedeng um-attend siya nang walang dala.
“Kaya ginawan ko siya ng artwork kahit na rush na rush at di masyadong maayos.”
Nitong March 21 ay nag-post si Mayflor sa Facebook ng kanyang larawan na kuha habang siya ay nasa rally.
Nagpasalamat din siya kay Wilmar sa pagtulong sa kanya na makapagdala ng placard, makapagsuot ng pink na T-shirt with matching pink bag.
Hindi rin umano niya pinipilit ang mister na iboto si Leni.
Ayon naman kay Wilmar, “Kahit sino po ang suportahan ni Misis, kahit hindi si VP Leni, tutulungan ko siya sa mga ganyang bagay.”