Priceless ang reaksiyon ng ukay-ukay seller nang malamang pasado siya sa board exam habang naka-live sa online-selling.
Ito ang eksena sa Facebook live ni Jerelyn Esteves, 30, ng Masbate noong March 11, 2022.
Habang binabasa ang messages ng mga customers, nanlaki ang mga mata niya sa sumulpot na message mula sa isang kaibigan.
Isang pagbati ito para kay Jerelyn na pasado sa licensure examination for teachers (LET) na ginanap nito lamang Enero.
Hindi muna naniwala si Jerelyn at pinakiusapan ang kaibigang huwag siyang magbibiro.
Makalipas ang ilang saglit, napahagulgol na si Jerelyn nang makumpirmang isa nga siya sa 8,737 elementary teachers na pumasa mula sa 15,696 examinees.
Sinabi ni Jerelyn na hindi siya nag-review, kaya marahil naiyak dahil hindi niya inasahang makakapasa siya.

Nabanggit pa niyang naniniwala na siya ngayon na kapag para sa iyo ang isang bagay, ibibigay iyon ng Diyos.

Sa sumunod niyang Facebook post, nagkuwento si Jerelyn sa mga hirap na pinagdaanan bago nakapasa sa board exam.
Bumagsak kasi siya sa kanyang unang board exam noong 2019.
Ang grado niya ay 74.85 percent. Kinulang lang ng 0.15 percent para sa passing grade na 75 percent.
Si Jerelyn ay nagtapos ng Bachelor of Science in Elementary Education noong 2019.
Aniya, nangungutang pa siya noon ng pamasahe para lang makapasok sa review center.
Pero sa kasamaang palad, hindi siya pinalad pumasa. Kaya naman balde-baldeng luha ang iniyak niya.
“Na-depress po ako. Iyak po ako nang iyak, hanggang hindi na po ako naganahan sa sarili ko,” kuwento niya sa 24 Oras reporter na si Ian Cruz noong March 16, 2022.
“Nai-stress po ako. Lahat po nakapasa sila, mga barkada po namin. Tatlo lang po kami hindi nakapasa noon.”
Sinubukan niyang mag-apply ng mga trabaho, pero hindi natatanggap dahil panahon ng pandemya.
Pinasok niya ang online selling. Hindi niya pinansin kahit may mga naririnig siyang sayang ang kanyang pinag-aralan sa college.
Nagbunga naman ang kanyang pagiging online seller dahil unti-unti na siyang nakilala sa kanilang lugar.
Ngayong licensed teacher na siya, itutuloy pa rin niya ang pangarap na makapagturo.

Pero hindi niya iiwan ang kanyang pagiging online seller dahil ito ang nagtawid sa kanyang pamilya nitong pandemic.
Naipagawa ang bahay at nakatulong pa siya sa mga magulang.
“Dito po ako nagsimula. Kumbaga, lahat ng pinaghirapan ko, nandito po.
“Hindi ko po inaasahan graduate po ako ng college, ‘tapos ganito yung mangyayari.
“Very, very proud po ako sa pagiging online seller ko.”
