Hilig ni Rainier Salonga at ng kanyang anak na si Clark ang maghanap, bumili, at mag-restore ng vintage cars para magmukhang bago ang mga ito.
Sa katunayan, PHP25 million na ang nagagastos ng mag-amang taga-Malolos, Bulacan sa ganitong hobby.
Sinimulan ni Rainer ang hobby na ito noong 2010, hanggang sa nahumaling na rin dito si Clark.
Ibang ligaya raw kasi ang hatid nito kapag nakakahanap sila ng old cars at nire-restore para magmukhang bago ulit.
“I have [a] collection of vintage cars for twelve years na,” sabi ni Rainier sa interview ng Summit OG video noong March 21, 2022.

Ani Rainier, nagkahilig siya sa mga lumang sasakyan noong bata dahil nakikita niya ang vintage car collections ng mga kaibigan ng kanyang ama.
“Mga year 2005 gusto ko na talagang magkaroon ng mga old cars kasi nakikita ko na yun sa mga kaibigan ng tatay ko.
“Ang problema, hindi ganoon kadali na maghanap pala ng lumang kotse.
“Nung suwertehin kami, mga year 2010 na, e."
Ang kanyang unang vintage car ay 1968 Volkswagen Type 3 Notchback.
Meron din siyang 1972 Volkswagen Karmann Ghia Coupe, isang rare model ng sports car.
Kasama rin sa collection niya ang 1975 Volkswagen Brasilia 4-Door, 1964 Ford Mustang Coupe, 1976 Ford Bug-Eyed Beetle, at patapos na ang restoration ng isang 1967 Ford Mustang GT Coupe.

Pero ang kanyang personal favorite ay ang 1968 Volkwagen Type 3 Notchback.
Kuwento ni Rainier, isang pari ang original owner ng paborito niyang vintage car.
“Kaya nakalagay pa sa kanyang registration is Roman Catholic [Bishop].”

(Rainier Salonga's favorite among his collections is a 1968 Volkswagen Type 3 Notchback)
PHP25-MILLION WORTH OF VINTAGE CAR COLLECTION
Paliwanag ni Rainier, kadalasan ay mahal niyang nabibili ang vintage car dahil na rin sa uri ng makina ng sasakyan.
Kaya naman kadalasan ay milyon din ang halaga ng gastos sa restoration ng isang vintage car.
“Pag kasi na-restore mo, nadodoble na halos ang presyo nila,” sabi ng collector.
Aniya, PHP12 million na ang inabot ng acquisition pa lang ng kanyang mga vintage cars, habang PHP8 million naman ang total cost ng restoration.
“Basically, siguro nga, yun nga, nasa PHP25 million na siguro ngayon yung price nung collection,” sabi ni Rainier.
Pero bilang kolektor, hindi na niya tinitingnan ang malaking gastos niya.
Paliwanag niya, “Minsan ang mga collector kasi ‘tsaka iyang mga nagre-restore, hindi mo na kasi napapansin yung presyo dahil nag-e-enjoy ka na, e.
“Lahat ng nagvi-vintage, I understand, ganyan din ang feeling nila.”

Wala raw katumbas na halaga ang tuwa na hatid ng kanyang collection.
“Itong vintage car, it may be somehow expensive, pero yung pinakamasarap dito na pangyayari, kasama mo yung anak mo.”
Nagsilbi kasing bonding moment nila ito ng anak na si Clark, na nahilig na rin sa vintage cars.
Sa katunayan, nang makabili si Rainier ng isang 1982 BMW E-21 Single Headlight, ibinigay niya ito kay Clark para siya na ang mag-restore.
Dugtong pa ni Rainier, hindi naman ora-orada ang pagiging vintage car collector.
“Pag nakakita ka ng mga kotse, hahanap ka naman ng tutulong sa iyo to restore it.
“May mga kaibigan na pag nalaman nila, tutulungan ka nila.
“Later on ka na lang matututo na mag-restore by yourself, through others’ experiences, doon sa other na magaling mag-restore.”
May advice si Rainier sa mga nagbabalak simulan ang kanilang vintage collection:
“Enjoy. Pagka ginawa niyo iyan, wag hayaang makaapekto sa real budget niyo, and enjoy.
“Always yung excess money lang."
Hirit pa niya, “Slowly. Hindi iyan mabilisan. Hindi iyan mamadaliin.”
Para sa kabuuang YouTube interview tungkol sa kanyang vintage car collection, panoorin ito:
