Benta sa netizens ang make-up tutorial videos ng mag-asawang Katrina at Carlo Lansang.
Habang gumagawa kasi ng make-up tutorial si Katrina on-cam, ang mister niyang si Carlo ang nag-voice over (V.O.) sa naturang tutorial video.
Ang kinalabasan ng content, nakatatawang video na kinagiliwan ng netizens. Umabot na sa 12.7 million views ang video na ipinost ni Katrina sa TikTok noong January 29, 2022.
VIRAL VIDEO
Makikita sa video na naglalagay ng make-up si Katrina, na isang flight attendant at content creator na madalas gumawa ng make-up tutorials.
Todo ad-lib naman si Carlo sa paglalarawan ng pagmi-makeup na kanyang misis.
Ang lip balm ay tinawag niyang lipstick; ang make-up palette ay tinawag niyang water color; ang facial gel ay tinawag niyang gulaman, at iba pa.
Narito ang ilang halimbawang dialogue ni Carlo:
“May kinuha, lipstick yata ito. Wala namang kulay, wala namang nangyayari,” ani Carlo nang maglagay ng lip balm ang asawa.
Ikinalat ni Katrina ang lip balm gamit ang wet tissue.
Voice over ni Carlo: “Matapos lagyan [ng lip balm], binura. Aksayado masyado.”
Nang maglagay ng serum si Katrina, V.O. ni Carlo: “Naglagay ng honey sa mukha, ikalat mo lang, kailangang sampal-sampalin.
Ipinakita ni Katrina na naglagay siya ng face gel sa mukha. V.O. ng mister niya, “Ayan, gulaman, pinahid sa mukha. Ikalat mo lang, sige lang."

(Supportive husband si Carlo Lansang sa makeup tutorial videos ng misis niyang si Katrina Lansang)
Ilan lang ito sa nakatatatawang adlib ni Carlo sa makeup tutorial ng asawa, na umabot ng milyon-milyon ang views.
Nagkuwento ang mag-asawa sa interview ng 24 Oras noong February 13, 2022.
Ibinahagi ni Katrina na kinulit niya ang asawa noon na mag-V.O. sa kanyang tutorial video.
Bagama’t binigyan niya ng script ang mister, hindi raw ito sinunod ni Carlo.
“Sabi ko, hindi naman ako 'ka ko iyan, e. Kasi kung ano yung itsura ng ginagamit niya, kung anong pagkaalam ko sa ganoong itsura [ng makeup]…” paliwanag ni Carlo.
Masaya naman si Katrina sa resulta ng video dahil nagkaroon ito ng humor.
Sabi ng social media influencer, “’Yung mga ganoon, para sa akin natural lang.
“’Tapos yun pa yung pinakatumatak sa isip ng iba.”
Natawa raw si Katrina sa pagtatanggol sa kanya ng ibang comments. “Parang sinasabi, ‘Grabe po kayo sa asawa niyo,' pero para sa akin, nakakatuwa na ginaganoon niya ako.”
SECRET TO A HARMONIOUS RELATIONSHIP
Ang pagsakay naman ni Carlo sa trip ng kanyang misis ang isang sikreto para hindi magtalo.
“Dapat suportahan kasi mahal mo yung tao, e. Dapat kung ano magpapasaya sa kanya, kahit yung konting oras na ibibigay mo, mapapasaya mo siya,” hayag ni Carlo.
Advice niya sa mga mister, maging matiyaga raw sa pagpapaganda ng kanilang mga misis kahit matagal.
“Hintayin na lang din nila kasi para sa kanila din naman iyon. Ayaw ba nila lalabas sila napakaganda?
“Yung ginagawa nila hindi [lang] para sarili, para maging presentable. Para rin sa partner nila.”

(Sumabak na rin sa paggawa ng skincare video si Carlo Lansang para suportahan ang misis na si Katrina na gumagawa ng makeup tutorial videos.)
Sa sobrang aliw nga ng mga followers ni Katrina, may mga nag-request na isama niya sa kanyang makeup tutorials ang mister nito.
May mga brands din daw na nagnais na isama ni Katrina ang asawa sa mga video tutorials.
At gaya ng inaasahan, sinuportahan ni Carlo ang mukhang ito.
Hindi lang siya ang nagmake-up sa iba't ibang video ni Katrina. Nagkaroon din siya ng sariling skincare video.
