Ibinabahagi ng isang Igorot ang kanyang kultura sa Canada sa pamamagitan ng pagtugtog ng wooden flute.
Kung magagawi ka sa Niagara Falls, sikat na pasyalan sa Ontario, at makakarinig ka ng pamilyar na musika, malamang ay si Elmo Inso Jr. yun.
Ang 34-year-old flutist ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang hotel cleaner sa Ontario.
Noong nasa Benguet pa siya, naging street performer siya sa Baguio.
Siya si The Igorot Fluteman, at mapapanood sa kanyang YouTube channel at Facebook account ang mga videos, kung saan nakasuot siya ng traditional Igorot outfit habang tumutugtog.

Ang sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via direct messaging noong April 28, 2022, “Pero dito po sa Niagara, ay mostly mga Igorot traditional music po at mga ilang Filipino song covers.
“May konti rin po na Chinese love song at Native American music.
“Dito po sa Niagara, mga mag-three weeks pa lang po kami dito, bale may two weeks lang po ako tumutugtog, pero hindi araw-araw.
“Pagkatapos ko po sa work ng 5:30 [p.m.], diretso po ako sa park para tumugtog hanggang 8:00 p.m.
Masaya raw si Elmo na iparinig ang musikang Pinoy gamit ang Igorot wooden flute.
APPRECIATION FROM TOURISTS
Ikinuwento rin ni Elmo kung ano ang mga eksena kapag nagpapatugtog siya.
“Hindi naman po lahat ng dumadaan sa harap ko ay ma-appreciate ang music.
“May mga dumadaan din na ngingiti lang at papalakpak. Magsasabi na, ‘Good job.’
“May mga iba rin na hihinto at makikinig, sasayaw, papalakpak, at magbibigay ng tips.”
May mga sobrang natutuwa rin daw sa kanyang pagtugtog at nakikipagkuwentuhan pa sa kanya, “Yung iba rin po ay nagpapaturo kung paano ito patugtugin.”
May magpapa-picture at magbi-video kasama siya, may nagtatanong kung paano gumawa ng flute at gustong bumili sa kanya.
Most recently, ikinatuwa raw ni Elmo ang pagtugtog niya ng sampung kanta, pero hindi umalis ang mga nanonood sa kanya.
“Andun pa rin sila sa harap ko na nakatayo, nanonood, at nakikinig.
“Dun ko po naramdaman na nai-enjoy nila yung musika. Matanda, bata man o yung kasing-edad ko rin.”

Nito lamang April 26, itinampok ni Theresa Redula ng OMNI Filipino ang kuwento ni Elmo.
Taong 2014 ay nagtungo si Elmo sa Saudi Arabia at nagtrabaho. Para maibsan ang lungkot at pangungulila, nakahiligan ni Elmo ang pakikinig sa mga flute songs.
“Naisipan ko po na makinig ng mga relaxing music and then nakita ko po yung flute music sa YouTube.
“Yung nakaka-relax na music. Yun ho yung halos one year na pinapakinggan ko.
“And then dumating yung araw na parang gusto ko na ring tumugtog ng flute.”
Nagsimula siyang tumugtog ng flute sa Saudi noong 2017 via online.
Taong 2018 umuwi siya ng Pilipinas. Ginawa niyang negosyo ang paggawa ng wooden flute at pagtugtog sa public places.

At nito ngang April 2022, lumipad siya sa Canada kasama ang misis na isang international student.
Para ipamalas ang kanyang hilig sa pagtugtog ng flute, tumutugtog siya sa mataong lugar sa Niagara Park sa kanyang free time.
Ibinahagi pa ni Elmo na nung unang beses siyang tumugtog sa parke ay kabado siya.
“Nung una parang ninerbiyos ako na mag-perform,” nangingiti niyang sabi.
“Pero nung nasubukan ko na nag-perform mga 30 minutes, parang nagkaroon ako ng [confidence] ulit na mag-perform.
“Kasi yung mga reaction ng tao makikita mo na naa-amaze sila sa musika.”
Ang pangarap ngayon ni Elmo ay maging stable ang pamumuhay sa Canada para madala na roon ang dalawa nilang anak na naiwan sa Pilipinas.
At kung susuwertehin daw siya, “Balang araw siguro na maging legal na magbenta ng flute, siguro gawin ko siyang business.
“Proud ho ako na i-share ang traditional music natin dito sa Canada.”
