Kilalanin si Janry Alburo, isang basurero sa Payatas, Quezon City.
Dahil sa kanyang trabaho, nagawa niyang makaipon ng PHP650,000 na ipinambili niya ng 3.5 ektaryang lupain sa Cawayan, Masbate.
Nang tumama ang pandemya, isinangla niya ito ng PHP58,000 para may pantustos sa pamilya.
Sa pinirmahang kasunduan, dapat matubos ni Janry ng isinanglang lupa sa loob ng dalawang taon dahil kung hindi ay mareremata ito.
Ang kuwentong ito ni Janry ay naitampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) noong May 15, 2022.
Pinatunayan ng basurerong si Janry na may pera sa basura. Sangkatutak kasi ang napulot niyang mga barya.
Nakakapulot din siya ng mga perang papel na iba-iba ang currencies.
Nakakapulot din siya ng mga mahahalagang bagay, katulad ng mga alahas at maging mga gadgets na hindi pa nabubuksan.
Sa kanyang vlog, pinapakita niya ang mga bagay na napulot at nananawagan sa mga may-ari in case nagkamaling silang itapon ang mga ito.
Pero malaki-laki ang kanyang naipon dahil sa kanyang mga napulot.
Bukod dito, ang kinikita ni Janry sa pagiging basurero ay PHP400 kada araw.

Bukod sa pera at mga alahas, nakapulot na rin si Janry Alburo ng gadgets.
Hangad ni Janry na tumira sa nabiling lupain kasama ang pamilya balang araw.
Sabi niya sa KMJS interview, “Dito ko talaga pinapangarap na makatayo ako ng bahay sakaling titigil na ako sa pagbabasura.
“Dito na po talaga ako manirahan.”
Pag-amin niya, “Dati ikinakahiya ko talaga yung maging basurero.
“Pero ako, nangarap talaga umangat sa buhay...”
PANDEMIC HAPPENED
Hanggang sa tumama na nga ang pandemya noong March 2020.
Nagkaroon ng lockdown at hindi na makalabas ng bahay sina Janry.
Isinanla nila noon ang nabiling lupa, at nakasaad sa kasunduan na kailangan mabayaran ni Janry ang isinangla bago May 5, 2020.
Ani Janry, “Nung lockdown hindi na kami makalabas. Mahirap naman kasi na umaasa ako sa mga ayuda-ayuda, kaya napag-isipan ko lang talaga isangla yung lupa namin sa probinsya para sa araw-araw may panggastos kami."
Nang makabalik sa trabaho, nagtuluy-tuloy sa pagiging basurero si Janry.
Tinulungan siya ng asawa sa pamamagitan ng pagtitinda ng barbecue.
Nag-sideline ang mag-asawa sa pagtitinda ng doormat at pot holder.
Bilang basurero, kalimitang nakakapulot si Janry ng tig-PHP1 at tig-PHP5.
Iniipon niya ito sa mga lalagyan sa loob ng dalawang taon na panahon ng pandemya,
Nakapuno si Janry ng dalawang balde, dalawang kawali, at isang kaldero.


Makikita rin ito sa YouTube channel ni Janry na ipinost niya noong April 30, 2022.
Kaya bago pa maabutan ng deadline, dinala ni Janry sa bangko ang di mabilang na mga barya sa pag-asang magiging sapat ito sa tutubusing lupa.
Nang mapabilang sa bangko, umabot sa PHP90,000 ang kabuuang naipon ni Janry.
Mayroon pa siyang pendant na napulot na kanyang naibenta sa halagang ng P10,000.
Nangangahulugang PHP100,000 ang naipon niya, sobra-sobra sa PHP58,000 na kanyang babayaran.
“Wala naman po talagang imposible basta magsisikap ka lang,” sabi ni Janry.
Samantala sa kanyang vlog noong Abril, kung saan ipinakita ni Janry ang sangkatutak na barya sa mga lalagyan, nagkuwento siya tungkol sa kanyang karanasan.
Marami raw kasi ang nag-aakala na ang mga barya ay wala nang halaga, gaya ng bente-singko sentimos.
Pero ang mga baryang ito kahit maliliit, ay nagiging malaki kapag naipon.
Sinabi niyang kinakailangan lang mag-open ng account sa bangko at kapag dinala ang mga baryang ito ay madi-deposit ito sa iyong bank account.
