Isang “Philippine Warty Pig” o baboy ramo ang umatake sa isang hiker na nagtangkang hawakan ito.
Ang insidente ay nakunan ng video ng grupong The Strolling Mind, at nai-post sa Facebook page nito noong May 28, 2022.
Ayon sa post, pilay ang nasabing baboy ramo, at nakatakas lang ito sa trap na inilagay ng isang local tribe.
Dahil hirap maglakad, nananatili ang baboy ramo malapit sa tuktok ng Mount Apo.
Tiningnan ito ng grupo ng hikers noong May 28 para alamin ang kalagayan, at binigyan ng pagkain.
Ngunit isang hiker ang hindi nakatiis at tinangka itong haplusin.
Doon na inatake ng baboy ramo ang hiker.
Ayon sa The Strolling Mind, hindi nila kagrupo ang hiker na inatake ng baboy ramo.
Ligtas naman umano ito at hindi nasaktan, bagaman at nasira ang suot na jacket dahil sa pag-atake.
Paalala ng The Strolling Mind, hindi dapat hawakan ang mga hayop na nasa wild dahil pakiramdam ng mga ito ay “threatened” sila.
Hindi rin dapat pakainin para hindi malason o magkasakit. Maari rin kasing mawala ang kanilang natural instinct na maghanap ng sariling pagkain.
Ayon sa grupo, “Bottomline is, wild is wild, let's respect them. Stay safe, for both parties.
“And as a constant reminder on any BMC's [Basic Mountaineering Course], every mountaineer should respect the wild. No touching nor feeding the wild animals.”
Sinabi rin ng Strolling Mind na ayon sa nakausap nitong local guide, isasara ang Mount Apo para sa trail rehabilitation at muling bubuksan sa darating na September.
Ang baboy ramo naman ay aalagaan ng Department of Environment and Natural Resources. Kapag magaling na ang pilay nito, muli itong ibabalik sa kanyang natural habitat.