Sa Pilipinas, may isang grupo ang itinatag para sa mga parrot lovers.
Tinawag itong Majestic Wings Philippines ng founder at president na si Rick Espiritu, isang system and network administrator.
Layon nitong mapag-isa ang mga parrot hobbyists, na nagkakaunawaan pagdating sa pag-aalaga at pagpapalipad ng mga parrot.
Free flight ang tawag sa pagpapalipad sa alagang ibon, pero trained na babalik sa may-ari.
Nagsimula si Rick sa pag-aalaga ng isang parrot noon. Ngayon ay mayroon na siyang 50 parrots.

Dahil bihasa na sa pag-aalaga ng parrots, pinasok na rin niya ang pagbebenta ng mga parrots kapag nagkakaanak ang mga alaga niya.
Kabilang sa mga uri ng parrots na meron siya ay ang Conure, African Grey, Blue Nape, Cockatoo, at Macaw.
Naitampok ang kuwento ni Rick sa May 29, 2022 episode ng KBYN: Kaagapay ng Bayan, ang ABS-CBN magazine show ni Noli de Castro.
Hindi cheap ang pagbili at pagkakaroon ng parrot. Ang mga parrot ni Rick ay nagkakahalaga ng PHP65,000 hanggang PHP400,000.
Ang presyo ay depende sa size at uri ng parrot na ibinebenta.
Kung trained pa ang bibilhing parrot, may additional fee ito na PHP30,000 hanggang PHP50,000.
Ipinakita ni Rick kay Noli ang isang golden conure na parrot na nagkakahalaga ng PHP280,000.

Ang Golden Conure na nagkakahalaga ng higit pa sa PHP200,000.
Ang isang two-month-old blue and yellow macaw naman na ipinakita kay Noli ay nagkakahalaga ng PHP150,000.

Ang parrot hobbyist na si Rick Espiritu (left) na nagbebenta rin ng parrots. Ang ibon na nasa picture ay isang two-month-old parrot na nagkakahalaga ng PHP150,000.
Ang benta ni Rick ay ang pinagkukunan niya ng expenses sa pag-aalaga sa kanyang 50 parrots.
“Kapag nakapagpapaanak ako, naibebenta ko rin sila sa maayos na price,” ani Rick.
“At yung pinagbebentahan, yun ang ginagamit ko para matustusan ang mga needs ng mga alaga natin: pagkain, vitamins, yung fruits and vegetables.”
Paliwanag ni Rick, ang Majestic Wings Philippines ay nangangalaga sa owner at mga alagang parrots.
Hindi kasi tulad ng iba na nakakulong lang ang parrots, ang grupo nila ay tini-train na paliparin ang kanilang mga alaga.
Ani Rick, “Nilabas natin sa cage nila, tinuruan natin sila sa karaniwang ginagawa nila sa wild [ang lumipad]… na-enjoy na ang mga ibon, na-enjoy pa tayo sa ginagawa nating hobby.”

Ang Majestic Wings Philippines ay grupo ng mga parrot lovers na nagsasanay para sa free flight ng kanilang mga alaga.
Nagbigay din ng testimonya ang mga miyembro ng grupo kung paano nakatulong sa kanila ang pag-aalaga ng parrots.
Para sa ilan, nakatulong ang kanilang hobby sa pag-handle ng depression.
Payo naman ni Rick sa mga nais mag-alaga ng parrots, “Kailangan nila ng time, kailangan nila ng budget, pagkain nila…
“Lalung-lalo na kailangan nila ng tamang grupo na sasamahan nila.”