Nagpasa ang Malaybalay City Council ng Golden Wedding Ordinance na nagkakaloob ng PHP50,000 incentive para sa mga mag-asawang magdiriwang ng kanilang 50th wedding anniversary.
Inianunsiyo ito ni City Councilor Niko Aldeguer noong June 7, 2022 sa post sa kanyang official Facebook Page.

Roughly translated, ang ibig niyang sabihin ay: “Bihira lang sa mag-asawa ang umaabot sa 50 taon nang kasal. Ito ay bilang pagkilala sa kanila para sa kanilang kontribusyon sa komunidad, dahil ang matatag na pamilya ang pundasyon ng ating lipunan.
“Higit sa lahat, pinahahalagahan natin ang ating mga lolo at lola sa kanilang sinumpaang sakramento.
“Nagpapasalamat ako sa aking kapwa konsehal at isa sa may-akda ng ordinansa na si Konsehal Louel Tortola, at sa lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod
“Sa Malaybalay, may forever.”
Batay sa ordinansa, ang kasal ng mag-asawa para mag-qualify sa PHP50,000 incentive ay dapat na valid at nakatala sa local City Civil Registry.
Qualified din sa incentive ang mag-asawa na permanent residents na ng Malaybalay City sa loob ng anim na taon.
Ang isang individual na ang kabiyak ay sa ibang lugar nagtatrabaho at wala pang six years residency ay maaaring ma-cover ng incentive kung anim na taon na siyang residente ng lungsod pagsapit ng kanilang golden wedding anniversary.
Ang mag-asawang naghiwalay, kahit hindi pa legal ang kanilang naging separasyon, ay hindi na qualified.
Ang Office of the Senior Citizens’ Affairs at ang City Mayor’s Office ang maglalabas ng implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing ordinance.
Sa panayam kay Aldeguer ng MindaNews, sinabi niyang agad ipatutupad ang ordinansa.
Manggagaling umano ang pondo sa Gender and Development Fund o sa Special Appropriation Fund.
Aniya, “At least the GAD funds can be used properly. This is one way of inspiring couples.”