Ang cannabis, o mas sikat sa tawag na marijuana, ay itinuturing sa Thailand na “miracle plant” na may “unlimited medicinal and industrial uses.”
Ang Thailand din ang pinaka-unang bansa sa Southeast Asia na nag-legalize ng paggamit ng marijuana noong 2018 para sa medical use and research.

Noong January 25, 2022, inalis na ng Thailand ang marijuana sa drugs list nito.
Ibig sabihin, legal na ngayon sa mga Thais ang magtanim sa kanilang gardens kapag naipagbigay-alam nila sa kanilang local government.
MARIJUANA BILANG “CASH CROP”
Ang desisyon ng Thailand ang pinakahuling hakbang nito sa planong palaganapin ang paggamit ng cannabis bilang “cash crop.”
Inaasahang patataasin nito ang kita ng national government at maging ng mga maliliit na magsasaka.
Tinatayang sa 2026, kikita ang Thailand dahil sa marijuana ng 15 billion baht o PHP22.83 billion.
Ang ikatlong bahagi kasi ng labor force nito ay nasa agriculture, ayon sa World Bank.
Akma rin ang tropical climate ng Thailand sa pagpapalago ng marijuana.
“NOT FOR COMMERCIAL PURPOSES”
Pero ayon kay Thai Health Minister Anutin Charnvirakul sa panayam ng international press, “The cannabis cannot be used for commercial purposes without further licenses.”
Maghahain din ang health ministry ng separate draft bill sa Thai parliament para sa mga detalye at guidelines ng legal na paggamit ng marijuana.
Sa kasalukuyan, ang “homegrown cannabis permission” ay limitado lang sa medical purposes gaya ng traditional medicine, at nagsasagawa ang mga awtoridad ng random inspections.
Batay sa guidelines, ang isang indibidwal na nagtanim ng marijuana nang hindi ipinaalam sa mga awtoridad ay magmumulta ng 20,000 baht (PHP30,455.19), bukod pa sa “prescribed fine” na 300,000 baht (PHP456,866.98), o pagkakulong sa loob ng tatlong taon.
Bukod naman sa multa ay makukulong din siya kung nagbenta ng marijuana nang walang lisensya.
IBANG BANSA SA SOUTHEAST ASIA, SUMUNOD KAYA SA THAILAND?
Dahil sa pinakabagong development na ito, iniulat ng news website na alestiklal.net noong June 14, 2022, na posibleng sumunod sa mga hakbang ng Thailand ang iba pang bansa sa rehiyon.
Plano na umano ng Malaysia na i-legitimize ang marijuana possession.
Maraming Malaysians na rin ang hinihimok ang kanilang gobyerno na payagan na ang medical use ng marijuana.
Maging sa Pilipinas ay isinusulong na rin ito sa House of Representatives.
At kahit may zero-tolerance policy against drugs ang Singapore, nagsimula na ang pagre-research nito sa medical uses ng marijuana.