May pamahiin na ang uwak ay may bitbit na malas.
Pero bakit ang pamilya ni Charlotte Peralta sa Pangasinan, pinili nilang alagaan ito?
Sa katunayan, nag-effort pa silang makakuha ng permit sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maging legal na alaga nila ang uwak.
Sa TikTok videos ni Charlotte, hindi lang niya ibinibida ang alagang uwak na si Whitey. Pati ang handle name ng account—charlotteandwhitey—ay taglay ang ngalan ng uwak.
Ang content ni Charlotte ay puro videos ni Whitey, na ipinagtatanggol niya mula sa negatibong tingin ng lipunan sa ibon.
Sa June 15, 2022 episode ng Dapat Alam Mo!, ibinahagi ni Charlotte kung paano dumating sa buhay nila ang uwak.
Aniya, noong Mayo lamang, may inakay na nahulog mula sa pugad na nasa puno.
“Napulot po siya ng bata, nakita po ng mister ko na pinaglalaruan lang po ng bata yung ibon,” ani Charlotte.
“Nung sinabi niyang uwak, nag-alangan po talaga ako sa kanya, na ayoko ng uwak,” kuwento ni Charlotte.
“Kasi kinaugalian ng Pilipino na ang uwak, may dalang malas.”
Nagbasa-basa si Charlotte tungkol sa ibon.
“Ni-research po talaga namin kung pano mag-alaga ng uwak o anong klaseng ibon na inakay at handfeed po talaga.”
Bumili siya ng syringe para mapakain ng baby food ang ibon. Binilhan din ito ng malaking kulungan.

Madalas kunan ng video ni Charlotte ang alaga at ipino-post sa TikTok.
Habang lumalaki ang ibon ay napapamahal naman ito kay Charlotte.
“Pag nakawala po siya, pupunta po siya sa bakuran ng kapitbahay, ‘tapos pag may makita po siyang things na colorful, kukunin po niya.”
Para raw isang tao ang in-adopt nina Charlotte.
“Pag darating po kami, nag-iingay na po siya, ‘tapos parang tinatawag na po kami.”
Caption niya sa isang TikTok video: “Sabi nila panget daw mag-alaga ng uwak, kase malas daw?!?
“Ang talino kaya nila 'tapos cute pa kaso makulit talaga”

Ang ilang post ni Charlotte sa alaga, gaya ng may nakaipit itong PHP1,000 sa tuka, higit isang milyon ang views.
Ang kuwento nito, may nakitang PHP1,000 bill ang uwak sa loob ng bahay nina Charlotte, kinuha ito at dinala kay Charlotte.
WILD ANIMAL
Samantala, nakapanayam din ng Dapat Alam Mo! ang wildlife biologist na si Geoff Tabaranza, na nagsabing hindi lang sa Pilipinas may “negative perception” tungkol sa uwak.
Aniya, ang itim na kulay at ang pagiging scavenger—kumakain ng dead animals —ang dahilan nito.
“Ang mga uwak kasi ay omnivores so they can eat fruit, they can eat meat, insects, patay [na hayop].
“Yung mga uwak, yung pamilya nila—crows and ravens—are very highly intelligent. They can be taught. Nati-train yung ibang uwak.
Lahad naman niya ukol sa pag-aalaga ng wild animals.
“Against the law to take animals from the wild, pero may mga cases na puwede mong i-apply sa DENR ang permit para mag-alaga.”
Ia-assess naman daw ng DENR kung may kakayahang mag-alaga ng taong nag-apply.
Dagdag pa ni Tabaranza, ang banta lang sa uwak ay dahil isa itong scavenger, maaari itong magdala ng disease mula sa dead animals at posibleng malipat sa tao.
Sa kabila nito, napagtanto naman ni Charlotte dahil sa alalgang uwak, “Dapat alam mo, na naniniwala kami na ang tunay na suwerte ay wala sa ibon, kundi nasa tao pa rin.”
Read Also:
Baboy ramo inatake ang hiker na nagtangkang hawakan ito
Isa sa “rarest deer species on Earth” namataan sa isang nature reserve sa Panay island
Higanteng lapu-lapu na nahuli sa Palawan, nabenta sa presyong PHP19K