Aksidente umanong nahukay ng ilang taga-Palawan ang mga antigong ceramics, gaya ng plato, mangkok, at iba pang kagamitan.
Ang mga magsasakang nakahukay ay naniniwalang mataas ang value ng mga ito, at maaaring biyaya rin para makatikim sila ng kaunting ginhawa sa buhay.
Sa katunayan, mayroon nga raw nag-alok na bilhin ang kanilang mga nahukay ng PHP150,000, pero hindi sila pumayag.
Umaasa silang mas mataas pa ang halaga ng mga nahukay na mga kasangkapan.
Kaya naman nakipag-ugnayan sila sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) para matulungan silang maunawaan kung antigo nga bang tunay ang kanilang mga nahukay.
Itinampok sa KMJS ang istoryang ito noon lamang Linggo, July 17, 2022.

Itinago ang pagkakakilanlan ng mga magsasaka at mga kasamahan nilang iniingatan ang mga kagamitan.
Bukod sa mga plato at mangkok, meron ding bangang gawa sa putik, isang tansong pinggang hugis araw, at mga kinalawang na itak o patalim.
Agaw-pansin din ang pabo at dragon sa disenyo ng mga ceramics.
Nahukay ang mga ito noong June 2021 o isang taon na ang nakalilipas.
Kuwento ng mga magsasaka, pauwi na sila noon mula sa simbahan nang may nakita silang bagay na nakausli sa lupa.
Para raw itong nakatagilid na palanggana. Nang hukayin, isa pala itong tansong plato na hugis araw.

Itinuloy nila ang paghuhukay at tumambad sa kanila ang iba pang mga kagamitan.
“Napansin naman na marami yung mga mangkok na nakapatong-patong na, pati yung itak,” kuwento ng isa sa mga nakahukay.
A PLACE rich with HISTORICAL BACKGROUND
Hindi masisisi ang mga magsasasaka na isiping antigo ang mga gamit na nahukay, lalo’t malapit sila sa Tabon Cave Complex, na may reputasyong Philippines’ Cradle of Civilization.
Tinatayang mayroong 200 kuweba sa Tabon Cave Complex na matatagpuan sa Lipuun Point, sa southwestern part ng Palawan.
Sa mismong main Tabon Cave, nahukay ang “possibly the oldest Homo sapiens sapiens fossil evidence in Southeast Asia,” ayon sa Unesco.org.
Dito rin nahukay ang 1,500 burial jars na tinatayang 22,000-24,000 years old, ulat ng KMJS.
Dito rin nahukay ang Manunggul Jar, ang burial jar na pinaniniwalaang ang tanda ay 890–710 B.C.
ARE THE ITEMS GENUINE ARTIFACTS?
Ipinasuri ang mga nahukay na kagamitan sa isang eksperto.
Hindi nga nagkamali ang mga magsasaka sa kanilang hinala.
Ang mga gamit ay tiningnan ni Jackielyn Abela ng Palawan Studies and Culture Social Science Department ng Palawan State University.
Sa estima niya, ang mga nahukay ay mula pa sa 14th hanggang 16th century.
Ibig sabihin nito, mas matanda pa o kasing-tanda ito nina Ferdinand Magellan at Lapu-Lapu.
Ang dalawang historical figure ay isinilang noong huling bahagi ng 15th century.
Noong 16th century, namatay si Magellan noong 1521 at si Lapu-Lapu noong 1542.
Paliwanag ni Abela, “Maituturing natin na mga significant items… Ito ay mga mahahalagang gamit.
"Meron tayong mga Muslim na nakatira dito at naging masigla talaga ang pakikipagpalitan ng kalakal ng ating mga ninuno, yung mga Tsino na may dala nito sa atin.
“Sila ay nakikipagkalakal sa mga Muslim na nakatira dito noon para makipagpalitan ng ibang mga produkto.”
Dugtong pa ni Abela, kung ang mga objects, gaya ng itak o sibat, ay nahukay sa isang burial site, “nangangahulugan yung labi ng tao na kasama nito na nakabaon ay may mahalagang posisiyon sa lipunan.”

Hindi naman daw ito isolated case sa lugar, ayon kay Dr. Jun Cayron, archaeologist sa Palawan State University.
“Marami pang mahuhukay diyan. May mga reported cases pa kami na mga ganyang findings,” sabi niya.
Sabi ni Dr. Cayron, sa mga ganitong sitwasyon ay kailangang i-notify ang National Museum.
Malaking bagay naman ang mga nahukay para sa pag-aaral sa history ng lugar, ani Abela.
Ang pangamba ng mga magsasaka: Kukunin sa kanila ang mga nahukay?
Paniniyak ni Abela, hindi basta-basta kukunin ang mga ito at idadaan sa tamang proseso.
Sabi naman ni Dr. Cayron, may incentive na ibinibigay ang National Museum sa mga nagre-report tungkol sa archaeological sites.
May paalala rin si Cayron: bawal ang maghukay, pagti-treasure hunt, at pagbebenta ng artifacts, na nakasaad sa Republic Act 8492 o ang National Museum Act illegal.
Ang paghuhukay kasi ay kailangan pa ng pahintulot mula sa National Museum at National Commission for Culture and the Arts.