Social media ang naging daan para matulungan si Lolo Celde Salvacion, isang 83-anyos na photographer sa General Santos City.
Gamit ang isang film camera, kumukuha ng mga larawan si Lolo Celde sa plaza, at ipinapa-print ang mga larawan sa photo paper.
Ang tatlong printed photos at nagkakahalaga ng PHP100.
Sa plaza niya nakilala si Rafaella Sta. Ana, na naawa at nagmagandang-loob na matulungan si Lolo Celde.
Dahil sa post ni Rafaella sa social media, nabigyan si Lolo Celde ng malaking halaga, groceries, appliances, at iba pang biyaya.
3 FOR PHP100
Noong August 11, 2022, ikinuwento ni Rafaella sa kanyang Facebook account na namamasyal daw sila ng kanyang tatlong maliliit na anak sa GenSan Plaza, nang lumapit sa kanya ang "traditional photographer" na si Lolo Celde.
Inalok siya nitong kunan silang mag-anak ng larawan.
“Super tanda na ni Lolo,” sabi sa Facebook post ni Rafaella, 26, isang media analyst at nutritionist.
Nakaramdam ng awa si Rafaella kay Lolo Celde na patuloy na naghahanap-buhay sa kabila ng katandaan.
“Sabi niya araw-araw siyang nasa park para magbaka-sakali na makapag-income pa siya,” kuwento ni Rafaella.
Matapos kunan ang mag-ina, nawala muna saglit si Lolo Celde para magpa-print.
Dahil walang cellphone ang matanda, saglit na naghintay sina Rafaella.
Ani Rafaella: “Pag bigay nya sakin ng prints, big smile talaga siya. Sabi pa niya, ‘balik kayo dito ha!’

Ang three printed photos for PHP100 na serbisyo ni Lolo Celde Salvacion kay Raphaella Sta. Ana sa GenSan City Plaza.
Nanawagan si Rafaella sa kanyang post na kunin ang serbisyo ni Lolo Celde, o kahit ang mga kasamahan niyang traditional photographers kapag napadako sa GenSan Plaza.
Nag-viral ang post na ito ni Rafaella. Maraming netizens ang nakipag-ugnayan sa kanya na nais magpaabot ng tulong.
Kaya’t nagbukas siya ng GCash para kay Lolo Celde.
BUMUHOS ANG BIYAYA KAY LOLO CELDE
Via direct messaging, nagbigay ng ilang detalye si Rafaella sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa cash donations na ipinadala ng netizens.
Ngayong Huwebes, August 18, 2022, matapos ang isang linggo mula nang mag-post si Rafaella ay nagbigay siya ng update ukol kay Lolo Celde.
Ibinahagi ni Rafaella na 12 anyos pa lang si Lolo Celde ay interesado na siya sa photography.
Araw-araw, nagbibisikleta ang matanda ng anim na kilometro para magtungo sa plaza at mag-alok ng kanyang serbisyo.
Masuwerte na raw si Lolo Celde na kumita ng PHP210-PHP520 sa isang araw.
May mga araw naman daw na wala talagang kita.
Binalikan nina Rafaella si Lolo Celde noong August 17, bitbit ang malaking sorpresa.
Una, niyaya nina Rafaella si Lolo Celde na kumain sa labas, kasama ang mga kapwa nito photographers.
Nagkuwento ang mga kaibigan ni Lolo Celde kay Rafaella.
Post ni Rafaella (published as is): “Nagkwento about kay lolo, saying na di pa raw sila pinapanganak, photographer na si Lolo, tas mga experiences nila with lolo.”

Sina Rafaella at Lolo Celde (encircled) kasama ang mga fellow traditional photographers ni Lolo Celde.
Ibinigay ni Rafaella ang mga detalye sa pamamagitan ng captions sa mga larawan at videos niya kay Lolo Celde.
Pinagupitan ang matanda, ibinili ng mga groceries at appliances, binilhan ng cellphone, at inihatid pauwi.
Mensahe ni Rafaella sa PEP.ph, inabot niya ang naipong halaga kay Lolo Celde.
Plano raw ng matanda na ibangko ang nakuhang tulong.
Sa ipinost na video ni Rafaella ay walang pagsidlan ng saya si Lolo Celde na paulit-ulit ang pasasalamat sa lahat ng nag-abot ng tulong.
Sabi ni Rafaella, “Amazed talaga siya and paulit-ulit yung tanong niya, kung bakit daw siya yung napili na biyayaan ng ganun.
“Thank you siya ng thank you 'tapas naiiyak pa siya.
“Sabi pa niya sa isang video na naka-upload, kung di raw siya umabot ng 83, di nya raw mararanasan to...”

Ibinili ng cellphone si Lolo Celde at napagupitan pa sa tulong ng donations mula sa netizens.
Ipinaliwanag ni Rafaella sa matanda na naging instrumento lang siya para maabutan siya ng tulong ng mga may magagandang loob.
Sa pagwawakas ng post ni Rafaella, sinabi niyang marami pa rin ang hangad na mag-abot ng tulong kay Lolo Celde.
Patunay lang ito na ang social media ay maaring maging instrumento para makagawa ng mabuti.
