Nag-viral ang Twitter post ng may handle na @stubbornicole noong October 2, 2022.
Ito ay matapos niyang ibahagi ang sulat na nakita niya kasama ng isang inabandonang aso malapit sa Mandaluyong City Hall.

Ang tweet ni @stubbornicole: "Hello! I found an abandoned dog near Mandaluyong City Hall.
“Here are some of her photos, along with the note attached to her leash.
“If you'd like to adopt her, I brought her to Philippine Pet Birth Control Center Foundation in Boni Avenue."

Ang nilalaman naman ng iniwang liham ng may-ari ng aso:
"Kuya/Ate...
"Kung sino man ang makabasa nito, sana po alagaan niyo po nang maayos ang aso ko.
"Kaya ko po ginawa ito, dahil laging nagagalit si Mama sa kanya.
"Hindi ko man kagustuhan, sorry, Panda!
"Panda po name niya."
Ang post ni @stubbornicole ay nakakuha na ng 11K retweets, 3,730 quote tweets at 39.6K likes.
Nadurog ang puso ng netizens dahil sa sulat ng may-ari kay Panda, at sa masakit na paghihiwalay ng mag-amo.
May mga nagsabing sana ay magbago pa ang isip ng ina ng may-ari kay Panda.
May nag-post din ng sitwasyon ni Panda sa Philippine Pet Birth Control Center Foundation na inaasikaso ito roon.
Marami rin ang nagpahayag ng interes na maampon si Panda.

Noong October 3, sa isang Facebook post ay sinabi ng PPBCCF na may bago ng “furever home” ang aso.
Ikinatuwa ito ng netizens dahil mapapayapa na anila ang kalooban ng dating owner nito.