Aliw na aliw ang netizens sa isang karatula kung saan isang "Mr. Leng" ang naghahanap ng “yaya."
Nai-post ng Facebook fun page na “Ansaveeeeh?” ang larawan ng nasabing karatula noong October 11, 2022.
"Wanted Yaya" ang panawagan ng karatula.

Pero ang umagaw sa pansin ng netizens ay ang ibang level na katangian ng hinahanap ni Mr. Leng na yaya.
Kailangan ay 5'8" ang height.
Gusto niya rin na ito ay chinita.
Bukod dito, dapat din na flawless ang skin.
At ang vital statistics? Jaw-dropping na 36-24-34.
Higit sa lahat, ayaw ni Mr. Leng ng masungit. Ang gusto niya ay Yaya na sweet person.
Walang inilagay na contact information kung paano makakapag-submit ng application ang sinumang interested na yaya-to-be.
Wala ring nakalagay kung magkano ang monthly salary.
Ang karatula ay nakadikit sa labas ng isang tapsihan.
Hindi basta-basta ang materyal nito na sa glossy sticker paper naka-print.
Maayos din ang layout kaya tila seryoso naman sa paghahanap ng yaya.
Sa pakiwari ng writer na ito, kung mayroon mang interesadong mag-apply, sa loob ng establisyemento hahanapin si Mr. Leng.

Sa pagsisikap na malaman ang iba pang detalye ng karatula, sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na i-search sa Google ang image, pero walang nag-match.

Nagpadala rin ng mensahe sa admin ng page, pero wala pang reply.
Hinalukay ng PEP.ph ang mga komento ng netizens sa pagbabakasakaling may makapagsabi sa exact location kung saan nakapaskil ang karatula, but to no avail.
Pero aliw ang mga komento.
Mukhang dyowa raw yata ang hanap ni Mr. Leng.
May nagsabing isa lang sa mga qualifications ang meron siya.
May mga nagsabi ring grabe kung makahanap ng qualifications si Mr. Leng, sana kasing-pogi at kasing-tangkad siya ng South Korean actor na si Cha Eun Woo.
At siyempre, may mga komentong kung saan-saan na humantong na tipikal naman sa isang viral post.
Habang sinusulat ang artikulong ito, ang nasabing post ay mayroon nang 227K reactions, 11K comments at 42K na pag-share.
Ayon sa isang sociologist na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na ayaw magpabanggit ng pangalan, joke man o seryoso ang “Wanted Yaya” poster ay nakagawa ito ng isang magandang purpose sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nakababad lagi sa social media.
Aniya, napatawa at napasaya nito ang publiko at kahit paoano ay napagaan ang napaka-toxic na sitwasyon.
"It's good for our mental health, actually," ayon pa sa sociologist.