Nang dumagsa ang mga ibong Eastern curlew sa dalampasigan ng Oyster Point sa Queensland, Australia, noong unang linggo ng October 2022, na-engganyo si Franziska Speck na kunan ang mga ito ng litrato.
Ang Eastern curlew ay malalaking shorebirds. Year 2015 ay isinama na ito sa listahan ng Australian government bilang critically endangered.
Noong November 1, 2019, iniulat ng The Guardian na nasa 25,000 na lang ang bilang nito. Nagma-migrate din kasi sila sa ibang lugar kapag wala na silang makuhang pagkain sa dalampasigan.
Kaya hindi pinalampas ni Franziska ang pagkakataon na i-capture ang moment na iyon dahil baka hindi na niya muling masilayan ang mga ibon.

Ilang shots ang kanyang kinuha habang nagkakagulo sa paghahanap ng pagkain ang mga Eastern curlew.
“The Eastern curlew is a summer visitor to our mudflats and sandy beaches,” ani Franziska sa panayam sa kanya ng The Dodo, isang digital brand para sa mga animal lovers, noong October 22.
Nang sinisilip na niya ang kanyang mga kuha, happy naman siya sa resulta.
Hanggang isang photo ang gumulat sa kanya.
Ani Franziska, “About 50 to 60 birds were coming into land, and I just took several photos, and when I checked the photos, I thought, ‘Wow!’”

Nakunan kasi niya ang isang Eastern curlew na sa unang tingin ay dalawa ang tuka; isa sa harapan at isa sa likod ng ulo nito.
Hindi makapaniwala si Franziska kaya muli niyang inisa-isa ang mga kuha niya para matiyak kung may isa talagang Eastern curlew na dalawa ang tuka.
Hanggang may matuklasan siya.
Sa sumunod na kuha niya ay napansin niyang may katabi palang kasamahan ang Eastern curlew.
Nakunan niya ang dalawa na eksaktong hindi kita ang katawan ng ikalawang Eastern curlew at tuka lang nito ang kita, kaya nagmukhang dalawa ang tuka ng ibon sa nauna niyang shot.

Sa isa pang kuha ay lumipad ang isa sa dalawang Eastern curlew na natakpan lang sa nauna niyang kuha.
Para kay Franziska, very rare at once-in-a-lifetime ang pagkakakuha niya sa larawang iyon, at maging siya ay hindi makapaniwala.
Aniya, kung wala ang second picture na nagpatunay na magkatabi lang ang dalawang Eastern curlew, iisipin niyang ang nakunan niyang photo ay talagang dalawa ang tuka.