Sa loob ng labinwalong taon, naging tahanan ni Mehran Karimi Nasseri ang Charles de Gaulle Airport sa Paris, France.
Pero nitong Sabado, November 12, 2022, pumanaw ang tinatayang 77-year-old Iranian former refugee sa Terminal 2F ng airport.
Si Nasseri ang inspirasyon ng The Terminal, ang 2004 Hollywood film, na pinagbidahan ng American actor na si Tom Hanks at idinirek ng award-winning director na si Steven Spielberg.
Sa ulat ng The Washington Post, inatake sa puso si Nasseri at hindi na ito na-revive ng airport medics.
Bandang tanghali idineklara ang kanyang pagkamatay bilang “due to natural causes.”
Bunsod nito, nagluluksa ang airport staff na napamahal na sa “iconic, charismatic character.”
Ayon sa statement ng Paris airport authority, “There is a lot of emotion at the airport in the wake of his death.”

Ayon sa ulat ng New York Times, ang kuwento ni Nasseri ay naging “bizarre tale in immigration history” at mahirap makumpirma ang kanyang background dahil sa paiba-ibang kuwento niya ukol sa kanyang pinagmulan.
FROM IRANIAN REFUGEE TO A STATELESS MAN
Nagsimulang manirahan si Nasseri sa airport ng Paris noong 1988.
Ayon sa airport, nakumpirma nilang si Nasseri ay ipinanganak sa Masjed Soleiman sa Iran noong 1945.
Ang kanyang ama diumano ay isang Iranian doctor, habang ang kanyang ina ay isang nurse mula sa Scotland.
Noong 1973, nakapag-aral si Nasseri sa University of Bradford sa West Yorkshire, England.
Ayon sa kanyang salaysay, na-expel siya mula sa kanyang homeland dahil sa kanyang mga anti-government activities habang nag-aaral sa England.
Noong 1981, nabigyan siya ng temporary refugee papers ng Belgium government.
Simula noon, malaya siyang nagpabalik-balik sa U.K. at France, hanggang manakaw diumano ang kanyang mga papeles sa isang Paris train station.
Mula Paris ay tutungo sana siya noon sa London, ngunit paglapag sa Heathrow Airport, hindi raw siya tinanggap ng British immigration officials dahil sa kawalan ng passport o anumang katunayan ng kanyang refugee status.
Kaya't bumalik siya sa airport sa France.
Sa tulong ng isang abogado, nauwi sa legal battle ang sitwasyon ni Nasseri. Pero mahaba-haba ang itinakbo nito.
Napagdesisyunan ng French government na hindi nito basta-basta mapapalayas si Nasseri sa airport dahil legal ang kanyang pagdating dito.
Pero hindi rin ito maaaring papasukin ng kanilang teritoryo dahil sa kawalan ng mga dokumento.
Pagsapit ng 1999, parehong nag-offer ang gobyerno ng France at Belgium na bigyan ng residency status si Nasseri, ngunit pareho rin niya itong tinanggihan.
Paniwala ng medical director ng Paris airport na si Dr. Philippe Bargain, nabigla ito sa natanggap na offer.
“Finally getting the papers has been a huge shock to him, as if he was just thrown from his horse.
“When you wait 11 years for something and suddenly in a few minutes you sign some papers and it’s done—imagine what a shock that is.”
A CHARISMATIC CHARACTER AT THE TERMINAL
Ayon sa ilan, marahil ay nakasanayan na ni Nasseri ang “airport living” sa Terminal 1 kahalubilo ang mga empleyado at mga pasahero.
Sa isang interview sa The New York Times noong 1999, nabanggit ni Nasseri na, “The airport is not bad.
“It is very active and functions every day. I see different passengers every week from all over the world.”
Kumalat globally ang kuwento tungkol sa pamamalagi ni Nasseri sa Paris airport.
Naging inspirasyon ito ng French film na Tombés du ciel noong 1993, ng opera production titled Flight ni Jonathan Dove noong 1998, at ng 2001 mockumentary Here to Where nina Glen Luchford and Paul Berczeller.
Noong 2004, nailathala ang The Terminal Man na co-written ni Nasseri at ng British author na si Andrew Donkin.
Taong 2004 din ipinalabas ang pelikula ng DreamWorks na The Terminal.
Kuwento ito ng isang Eastern European tourist na stranded sa John F. Kennedy International Airport sa New York City.
Sinasabing binayaran umano ng DreamWorks production si Nasseri ng USD250,000 (tinatayang PHP14 millyon) para magamit ang kanyang istorya.

Bagamat maraming pagkakataon ang dumating upang lisanin ni Nasseri ang kanyang “tahanan,” nangyari lamang ito noong 2006, dahil kinailangan siyang ma-admit sa ospital.
Mula ospital, nalipat na siya sa isang Paris shelter after 18 years na paninirahan sa airport.
Ngunit nito lamang September 2022 ay nagbalik siya sa airport sa hindi malinaw na dahilan.
Sinasabing nagbalik siya dahil sa kanyang attachment sa lugar, “to live as a homeless person in the public space of the airport.”
At makalipas nga ang dalawang buwan matapos bumalik sa airport, binawian na siya ng buhay sa mismong airport na itinuring niyang tahanan sa loob ng 18 years.