Nag-trending sa social media si Cairodine Maute, 18, habang maga ang labi.
Nagpost ng kakaibang video ang binatang taga-Don Carlos, Bukidnon, na inatake ng putakti o wasp habang kasama ang mga kaibigan.
Iniulat ang kuwento ni Cairodine sa “Kuya Kim, Ano Na?” segment ng 24 Oras noong October 26, 2022, pero nangyari ang insidente ilang buwan na ang nakalilipas.
Nagsimula ang lahat nang matakam noon si Cairodine at mga kaibigan ng santol kaya nagkayayaan silang manguha nito.
Lahad ni Cairodine, “Pumunta lang kami sa bahay ng barkada namin at sinusungkit ng kaibigan ko ang santol.”
“Pero natamaan ng kaibigan ko [ang pugad] ng mga putakti, naistorbo, kaya ako ang hinabol nila.”
PINUTAKTI SA LABI
Kumaripas ng takbo si Cairodine subalit hindi siya nakaligtas sa kagat ng putakti.
May dalawang insekto raw ang kumagat sa kanyang labi, na namaga agad ilang minuto lang ang nakalipas.
“Naramdaman ko na lang na parang umiinit ang labi ko,” sabi ng binata.
Pagsapit ng gabi, sobrang namaga na ang labi niya.
“Kahit ang pagsubo ng kutsara hindi na kasya. ‘Tapos pag-inom ng tubig gagamit na lang ng straw.”
Pero nakuha pa niyang i-video ang sarili at ginawang katatawanan ang sarili. Nag-make up si Cairodine at ipinakita ang magang labi.
Naaliw ang mga netizens, na ilan sa kanila ay nagkomento ng “Kylie Jenner who?” dahil sa mga labi niyang "plump."

Tila hindi alintana ng binata ang sakit at posibleng impeksiyon na dulot nito.
Mabuti na lang, after three days, nawala ang pamamaga.
PUTAKTI AT BUBUYOG, ANONG IPINAGKAIBA?
Sa 24 Oras segment, tinalakay ni Kuya Kim ang kaibahan ang bubuyog at putakti.
Aniya, “Ang bubuyog ay bee, ang putakti ay wasp.
“Ang wasp ay pointed ang kanyang lower abdomen at manipis ang kanyang waist.
“Ito ang humihiwalay sa kanyang abdomen at sa kanyang thorax."
Sabi naman ni Almhar Cervantes, isang entomologist, “Aggressive ang mga wasp kasi predators ang mga wasp, e.”
ANONG GAGAWIN PAG NAKAGAT NG PUTAKTI?
Ang kagat ng lampini o wasp ay nagsasanhi ng allergic reaction, sabi naman ni Dr. MariJean Marquez, isang dermatologist.
“Kapag ang reaksiyon ay severe at nahihirapan ka nang huminga, that’s an anaphylactic reaction,” anang doktor.
“So what you need to do is pumunta ka na sa emergency room at bibigyan ka na nila ng epinephrine.
“Bibigyan ka ng mga gamot na pang-allergy at para sa inflammation.”
ARAL MULA SA PUTAKTI
Sa kaso ni Cairodine, ito raw ang natutunan niya: “Huwag kayong kumuha ng mga prutas na may bahay ng mga putakti.”
Sabi naman ng isang eksperto, ang bawat movement ng mga tao ang nagiging dahilan ng pag-atake ng mga insektong ito.
Kaya doble ingat lalo na pag nakagat ng ganitong mabagsik na mga insekto.
Huwag po nating balewalain ang kagat at baka tayo ay malagot.