Umiiyak ngayon ang mga mamimili sa sibuyas hindi dahil mahapdi ito sa mata kundi mahapdi ito sa bulsa.
Hindi nakaligtas ang sibuyas sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin: ang isang kilo ng sibuyas sa mga palengke at pamilihan ay nagkakahalaga ng PHP300 o higit pa.
Kaya naman umiral ang pagka-witty ng netizens na kasalukuyang umaaray ang bulsa at gumawa na lamang ng jokes at punchlines tungkol sa sibuyas na ginto ang presyo.
“Pede na ito pang Exchange Gift,” post sa Facebook page na Muntinlupa News Express, kalakip ang larawan ng mga sibuyas na ibinebenta ng PHP315 kada kilo.
Sundot na hirit nito (published as is): “KAPAG PALA MADAMI SIBUYAS ANG LUTO MO, MAY KAYA KA NA SA BUHAY.”

Agree ang ilang netizens na puwedeng pang-exchange gift ang sibuyas ngayong Pasko.
Sabi ng isa (published as is): "Skto Ang exchange gift nmin worth of 300 lng ...abonado p k ng 15”
Praktikal na comment ng isa pa: “Pwede na kc mahal ang sibuyas ngayon. Very useful sa pagluluto.”

Isang female netizen ang nagkomento at sinabing PHP350 per kilo ang benta sa Bulacan.
Solusyon ng isa: magtanim ng sariling sibuyas. Suggestion ng isa pa, gumamit na lang ng Magic Sarap para kumpleto na.


Marami rin ang seryoso ang mga komento at naghihimutok sa patuloy na pagmahal ng bilihin.
Kuwela naman ang mga post ng isang netizen.
Inilagay niya ang mga sibuyas sa lalagyan ng isang kilalang chocolate brand na Ferrero Rocher, na nasa PHP700 ang 24-piece gift box nito.
Ang isa pang larawan ay walong pirasong maliliit na sibuyas na PHP100 ang presyo.
Ipinost din nito ang larawan ng isang medium-sized red onion na nagkakahalaga ng PHP30.
Kung susumahin, lalabas na mas mahal pa ang sibuyas kesa sa kilalang chocolate brand.
BAKIT MAHAL ANG RED ONION?
Samantala, nagpaliwanag si Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista kung bakit sobrang mahal ng red onion sa Pilipinas.
Sabi ni Evangelista sa interview ng GMA News noong November 23, 2022, “Kasi ang ating mga farmers nung nagtanim sila, meron na raw bumili sa kanila na mga traders.
“Ang mga traders po na ito, iyan po ang naglagay sa cold storage facilities ng mga sibuyas to extend the shelf life, at sila po ang suppliers ng ating mga retailers sa ating mga palengke.
“So dito po yong nakikita nating problema: how to control prices na yung pagbenta ng mga traders sa ating mga retailers, that is something that we have to address.”
Nakikipag-ugnayan daw ngayon ang DA sa Local Price Coordinating Council para ma-address ang problemang ito.
“Para tingnan paano makokontrol ang presyo ng mga traders,” ani Evangelista.
Nakikipag-coordinate din daw ang DA sa local government units para abisuhan at ma-monitor nila ang bentahan ng sibuyas sa kanilang nasasakupan.
Dagdag pa ng assistant secretary, may koordinasyon din sila sa Bureau of Plant Industry para tingnan ang supply ng red onions sa cold storage at matukoy ang supply situation.
