Aksidenteng nakita ni Florencia Lobo ang dalawang kuting sa gilid ng daan sa Santa Rosa de Leales, Tucumán, Argentina. Kasama niya noon ang kanyang kapatid na lalaki.
Katabi ng mga kuting ang kanilang ina na patay na, at marahil ay nasagasaan.
Aniya sa isang panayam ng Argentinian press, "We thought that it was an abandoned cat who had given birth."
Naawa si Florencia sa mga kuting at iniuwi sa kanilang bahay para alagaan.
Sa kasamaang palad, isa lang sa mga ito ang naka-survive.
Tinawag niya itong si Tito.
Kagaya rin lang si Tito ng ibang kuting na cute at malaro.
Sa isang video na ini-upload sa YouTube noong November 23, 2022, ay makikita ito na buong kaharutang kinakalmot ang laruang bola.
Katabi ring matulog si Tito ni Florencia, na napansing kumpara sa ibang kuting ay masyadong hyperactive ang alaga.
Nagresulta ang pagiging makulit ni Tito sa pagkapilay ng isang paa nito. Two months na ito noon sa kanya.
Dinala ito ni Florencia sa isang veterinarian. At doon na siya may natuklasan.
Ani Florencia, “The vet didn’t know what it was... but said it was not a normal cat.”
Para umano makatiyak, ibinigay sa kanya ng vet ang telephone number ng local nature reserve nila para makita ng mga ito si Tito.
Nakipag-ugnayan siya sa Horco Molle nature reserve.
Pinuntahan ng mga kinatawan nito si Tito at kinumpirma na ang alaga niyang kuting ay isang jaguarundi, isang uri ng small wild cat na native sa North and South America.
Sa madaling sabi, isang uri ng puma!
At hindi puwedeng gawing pet.
Ayon sa website ng Texas Parks & Wildlife, ang jaguarundis, na ang full scientific name ay puma yagouaroundi, ay mas malaki nang konti sa mga regular na pusa.
Karaniwang may timbang ang mga ito mula apat hanggang pitong kilo.
Sa U.S., ang conservation status nito ay "federal endangered species," pero marami-rami pa rin ang bilang nito Brazil, Peru, Venezuela, at Mexico.
Bagaman at malungkot para kay Florencia na maghiwalay sila ni Tito dahil napamahal na ito sa kanya, isinailalim na ang kuting sa pangangalaga ng Argentine Animal Rescue Foundation bago ito ibalik sa natural habitat nito.