Pumanaw na si Issei Sagawa, ang kilalang Japanese murderer na binansagang “Kobe Cannibal,” sa edad na 73 last November 24, 2022.
Naging laman siya noon ng balita matapos patayin at kainin ang isang Dutch student.
Hindi rin siya nabilanggo.
Pneumonia ang dahilan ng kamatayan ni Issei. Inihatid siya sa huling hantungan ng kanyang mga kamag-anak.
Ayon sa isa niyang nakababatang kapatid na lalaki, wala ring isinagawang public ceremony.

Naging kontrobersyal si Issei dahil noong 1981, habang nag-aaral sa Paris, ay inimbatahan niya ang Dutch student na si Renee Hartevelt sa kanyang bahay.
Binaril niya si Renee sa leeg, ginahasa, at pagkatapos ay kinain ang ilang bahagi ng katawan nito sa loob ng tatlong araw.
Tinangka niyang i-dispose ang nalalabing bahagi ng katawan nito sa Bois de Boulogne park, at doon na siya naaresto.
Pero ayon sa pagsusuri ng mga psychiatric experts, unfit si Issei na humarap sa trial.
Pansamantala siyang inilagak sa isang mental institution sa France bago ipina-deport sa Japan.

Sinikap ng pamilya ni Renee na malitis si Issei sa kanyang sariling bansa.
Pero kahit pa lumabas sa pagsusuri ng Japanese authorities na maayos ang takbo ng kanyang utak, nanatiling malaya si Issei dahil isinarado na ang kaso laban sa kanya.
Hindi inilihim ni Issei ang kanyang ginawang krimen. Sa katunayan, pinagkakitaan pa niya ito.
Sa kanyang memoir na In the Fog ay nagbalik-tanaw siya sa ginawa niyang pagpatay kay Renee, at detalyadong ikinuwento niya iyon.
Muli niyang ibinahagi ang obsesyon sa cannibalism sa mga panayam sa kanya para sa 2017 documentary na Caniba.
Aniya sa panayam ng Vice Magazine noong 2009, “My desire to eat a woman had changed into an obligation.”
Dagdag pa niya, “I can’t bear the thought of leaving this life without ever tasting that derriere that I saw this morning,or [a woman’s] thighs.

“I want to eat them again while I’m alive so I can at least be satisfied when I die.
“There’s no doubt I want to eat human flesh again, though.”
Ang kanyang krimen ay naging subject din ng Japanese novelist na si Juro Kara sa aklat nito na Letter from Sagawa-kun, na nanalo ng prestihiyosong literary prize sa Japan noong 1982.
Sa kabila naman ng kanyang pagiging detailed sa ginawang krimen at kawalan ng pagsisisi, sumikat si Issei na parang isang celebrity at palagi ngang nahihingan ng panayam ng domestic and international media matapos niyang makabalik sa Japan.
Na-feature siya sa isang magazine dahil sa kanyang paintings ng naked women.
Lumabas din siya sa isang pornographic movie.
Nakapag-produce din siya ng manga comic book tungkol sa ginawa niyang krimen, “in graphic and unrelenting detail.”
Samantala, noong 24 years old si Issei ay tinangka rin niya kainin ang isang babaeng German.
Pinasok niya ito sa bahay, pero nagising at itinulak siya bago niya nagawang hiwain ang puwet nito.
Kinasuhan siya ng attempted rape, pero nakipag-areglo ang kanyang ama at binayaran diumano ang biktima.
Sa mga huling taon ng kanyang buhay ay kapiling si Issei ng kanyang kapatid na lalaki.
Namalagi rin siya sa wheelchair sanhi ng iba’t ibang sakit, at tinamaan din siya ng stroke.