Paano magkakaroon ng fetus sa sinapupunan ng bagong silang na sanggol?
Mahirap paniwalaan pero ito ang naging kaso ng isang sanggol na babae na isinilang sa isang ospital sa General Santos City noong September 19, 2022.
Nasa sinapupunan pa lamang ang sanggol, napansin na ng doktor sa ultrasound na malaki ang tiyan ng sanggol.
Hindi nga nagkamali ang doktor. Nang isilang ang bata, malaki ang tiyan nito na animo'y "buntis."
Nagdesisyong operahan ang sanggol at buksan ang tiyan.
Laging gulat ng doktor dahil natagpuan ang isang fetus sa kasisilang lang na sanggol.
Pero paano magkakaroon ng fetus sa loob ng kapapanganak na sanggol?
MAY KAKAIBANG NAPANSIN SA ULTRASOUND
Inakala ng ina na si Maricris Albofera na kambal ang magiging anak niya dahil sa hindi pagkaraniwan ang laki ng kanyang tiyan noong siya ay buntis.
Aniya sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong December 4, 2022, “Kasi malaki talaga ang tiyan ko at hindi na normal.”
Sa kanyang kuwento, sumailalim daw si Maricris sa ultrasound at nakitang may diperensiya ang kanyang ipinagbubuntis.
“Malaki ang tiyan niya [baby] dahil may volvulus daw siya. Ang bituka niya nag-twist. Sinabi nila na malaki daw ang tiyan ng baby ko."
Ang volvulus ay isang kondisyon kung saan nagkabuhul-buhol ang bituka ng tao.

(In the photo) Ang ultra sound ng tiyan ng baby na may nakitang kakaibang bagay (encircled).
Inamin naman ng partner ni Maricris na si Bernard Roblon na nababahala siya sa kalagayan ng kanyang mag-ina.
Noong September 19, isinilang ni Maricris ang kanilang sanggol na babae sa Socsargen County Hospital sa GenSan.
FETUS IN FETU
Kapansin-pansin ang malaking tiyan ng newborn dahil na abot hanggang dibdib.
Bakat din ang mga ugat ng sanggol sa kanyang katawan dahil sobrang laki ng tiyan nito.
Sa bawat paglipas ng araw ay napapansing lumalaki rin ang tiyan ng sanggol.
Nagduda ang doktor kung kaso nga ba ito ng volvulus o ibang kondisyon.
Nagdesisyon na isailalim sa operasyon ang sanggol.
Emosyonal si Maricris sa pagsasabing natatakot siya sa tuwing makakatanggap ng tawag mula sa NICU (neonatal intensive care unit) sa takot na baka may nangyaring masama sa kanyang baby.
“Pag open sa tiyan ng baby ko, doon nagulat ang doktor,” kuwento ng ina.
“Sinabi ni Dok sa akin, ‘Yung baby mo, meron siyang fetus.”
“Nagulat din si Dok dahil nabuntis din si baby. Buntis daw yung anak ko.”

Ang undeveloped fetus ay nabuo sa left ovary ng sanggol at may sukat na 12 X 11 X 8 centimeters.
Isa pala itong kaso ng fetus on fetu.
Kuwento ni Dr. Mark Anthony Naval, pediatric surgeon, “May nakita ako doong dalawang limbs na maaari itong maging paa o kamay.
“Meron ding nakitang mga buhok at spinal column.”
Ang fetus on fetu ay isang "malformed vertebrate fetus enclosed within the body of its twin," ayon sa website na ncbi.nlm.nih.gov.
Ang hindi pangkaraniwang kondisyong ito ay nangyayari sa isa sa 500,000 sanggol sa buong mundo.
Ang fetus on fetu ay tinatawag ding “parasitic twin.”
Sabi ni Dr. Naval, “Kung iisipin po natin na may fetus sa loob ng abdomen, e, parang buntis si Baby.
“Pero sa katunayan, yun ay yung kambal niya o parasitic twin.
“Ang isa sa mga dahilan [ay] merong unequal division sa pag-form ng blastocyst na puwedeng ika-cause ng parasitic twin.”
Ang blastocyst ay “a cluster of dividing cells made by a fertilized egg.”
Ito raw ang unang kaso ng fetus in fetu para kay Dr. Naval.
Sabi naman ni Dr. Maria Clara Esquivas-Chua, isang obstetrician-gynecologist, “Mula nung nabuo yung pregnancy, meron nang tumubong parang aberrant cell.
"Mali yung cell na tumubo, nag-proliferate, naging cyst siya.”
Samantala, noong 2007, may naiulat na rin na ganitong kaso sa Baguio sa Emergency, ang dating documentary show sa GMA-7 hosted by Arnold Clavio.
Samantala, unti-unti nang naghihilom ang sugat mula sa operasyon ng baby ni Maricris.
Sabi pa ng emosyonal na ina, alam niyang masakit ang sugat mula sa operasyon dahil siya mismo ay iniinda ang sugat niya mula sa caesarian procedure.
Sabi ni Maricris ukol sa anak, “Sa lahat ng pinagdaanan niya, naka-survive siya. Fighter talaga siya.”
Subalit dalawang buwan mula nang maoperahan ang sanggol ay hindi pa sila nakakalabas ng ospital, ulat ng KMJS.
May balance pa kasing hospital bill na PHP250,000 nang maoperahan ang baby.
Nagpaabot ng tulong pinansiyal ang KMJS sa anak ni Maricris at sa tulong ng barangay officials at promisory note ay nakalabas na ang mag-ina sa ospital.
Kumakatok naman si Maricris sa mga may mabuting pusong nais silang tulungan.
“Humihingi ako ng tulong sa inyo sa mga may magagandang puso na sana matulungan niyo po kami para sa hospital bill.”
Para sa mga nais tumulong, narito ang mga detalye.
Bernard Palad Roblin
BPI account no: 9349-2412-15
Mensahe ni Maricris sa PEP.ph, na-hack ang unang number kaya gumawa sila ng bago.
Narito naman ang updated GCash number nina Maricris.
GCash (Bernard Roblon)- 09755767090