Kung mayroong vacation leave at sick leave, napapanahon naman ngayong Love Month ang "breakup leave" para sa mga heartbroken.
Umaani ng atensiyon sa social media ang announcement ng isang three-star hotel sa Cebu para sa mga empleyado nitong dumadaan sa heartbreak.
Inanunsiyo ng Cebu Century Plaza Hotel na may benefit ang mga empleyado nito na sawi sa pag-ibig para matulungan silang maka-move on.
Ang sinumang employees nila na heartbroken ay bibigyan ng five paid vacation leaves.
“Yes, you read it right! Cebu Century Plaza Hotel provides 5 days paid leave for broken hearted employees! Yes, 5 paid leaves sa broken hearted!” giit ng hotel sa Facebook post nito noong February 4, 2023.
Ma bahagi ng post na isinalin from Cebuano to Filipino: “Hindi madali ang maiwan. At least makakatulong sa pag move on!
“Probably, the first in Cebu! Mapapa-sana all ka talaga! That's how we value our dear employees!
“Happy Valentine's Day in advance, Sugbuanons!”
NETIZENS REACTIONS
Halos 2,000 comments na ang inani ng posts mula sa mga netizens. Maraming pumuri sa benefit na ito.
May mga kuwelang komento rin na gaya nito:
“Naubos na ba yung mga leaves niyo?”
"Ubos na," sagot ng isang female netizen, na animo'y ipinapahiwatig na dumaan na ito sa heartbreak.
Hirit naman ng isang male netizen, may penalty ba kung ang empleyado ng hotel ang dahilan ng heartbreak?
“What if yung mga staff niyo yung nang-iwan o nanakit? May salary deduction ba sila?”

Tanong ng isang netizen, gaano ba kadalas ang benefit na ito dahil madalas siyang ma-heartbroken.
Sabi nito: “Yearly ba iyan or every occurrence? Kasi 5 times akong nasasaktan every year.”
Usisa ng isa pa, magkakaproblema ang hotel kapag nagkasabay-sabay na ma-heartbroken ang employees.
Komento nito: “What if lahat ng employees nasaktan? Edi close kayo for five days hahahaha.”

Biro ng netizen na si Mika Gee, huwag i-hire ang kaibigan niya dahil madalas itong ma-heartbroken.
“Malulugi kayo sa kaibigan ko. Every month brokenhearted siya. Huwag niyo siyang iha-hire.”
Suggestion naman ni Reygie Reyes: Itaon ang heartbreak ng Martes para sa ganoon ay tuluy-tuloy na sa weekend ang walang pasok.
Ani Reygie: “Timingan mo na Tuesday ka ma-brokenhearted para hanggang Sunday walang duty.”


Ang naisip namang biro ni Minnie Joy, sandali munang makikipag-break para maka-avai ng paid leave.
"Magbi-break muna kami ng jowa ko tapos after five days paid leave, kami ulit.”
Mukhang mag-a-apply naman sa hotel ang isang netizen dahil nagkakalabuan na sila ng karelasyon nito.
Ani Kapitan Thor: “Hala mag-apply na ako dito kasi malapit na kaming maghiwalay.
“Nagsisimula na kaming mag-away-away. Hindi na siya nakikipag-video call.”


THE STORY BEHIND THE BREAKUP LEAVE
Ikinuwento naman ni Ricardo Dublado, chief executive officer ng hotel establishment, kung bakit naisipan niyang ipatupad ang “breakup leave.”
Naranasan daw kasi niyang pumasok sa trabaho habang heartbroken at napaka-unproductive nito.
Ani Dublado sa ABS-CBN News interview: "I created this leave para somehow, makapagpahinga sila with pay, para pagbalik nila sa trabaho, at least complete po iyong suweldo nila.”
Para malamang legit na may pinagdadaanan ang empleyado, pag-aaralan daw ni Dublado at ng human resources department ang aplikasyon nito.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nag-offer ng breakup leave ang isang hotel sa Cebu.
