Love na love ngayon ng netizens ang isang aso sa Mandaluyong City na ang pangalan ay Fuffy.
Nai-post kasi sa Facebook last February 20, 2023 ng fur parent ni Fuffy na si Mitzi Pauline Fabian kung gaano ka-smart ang kanyang pet.

Alam niyo bang puwedeng iwanang mag-isa si Fuffy sa grooming salon for pets sa kanilang lugar, at kaya nitong umuwing mag-isa pagkatapos ng kanyang grooming?
Ang kanyang post, published as is, "Fuffy good boy iwan mo sya sa nag ggrooming sakanya sa doggie land tapos after pagupitan sabe ko palabasin lang nila marunong sya umuwi mag isa hahaha. tatahol lang sya kapag asa labas na sya forda independent ang dog hahaha.”

Male si Fuffy, at five years old na.
Ibinahagi ni Mitzi ang naging palitan nila ng message ng staff ng grooming salon kung saan niya dinala ang kanyang pet.
Una ay kinumusta muna niya si Fuffy.
Nag-reply ang groomer na patapos na.
Binigyan niya ng instruction ang groomer na pauuwiin na lang si Fuffy kapag tapos na itong papogihin.
Ang kanyang message, published as is, “Ok po palabasin na lang po sya tapos message po ko kapag umuwi na sya hehe tnx po.
“Marunong naman po sya.
“Umaabot sya ng mercury pa nga.”
Ang tinutukoy niya ay ang tindahan ng gamot sa kanilang lugar.
Nasa 180 meters naman ang distansiya ng kanilang bahay sa grooming salon.
Makalipas ang isang minuto ay nag-reply ang groomer.
Ang reply nito, published as is, “Sige po ang cute.
“Tapos na po mam.
“Pauwi in na namin.”
Nagpadala rin ang groomer ng larawan ni Fuffy habang ready nang lumabas sa pinto ng salon.

Makaraan ang apat na minuto ay nag-message uli si Mitzi sa groomer na nakauwi na si Fuffy.
“Nakauwi na po thankyou.”
Nagpadala rin siya ng photo ng dog na behaved na nakaupo.
Anang groomer sa reply nito, “Nakakatuwa naman yan.”
May mga netizens tuloy na nag-wish na sana ay kasing-smart ni Fuffy ang mga alaga nila at kaya ring umuwing mag-isa.

Obvious na natunaw ang puso nila sa sobrang cuteness nito—sa hitsura at sa talino.
Naikumpara naman ng iba na ang kanilang pet ay umuuwi lang pag tinatawag.
May nagpahayag ng pangamba na baka madampot ng kung sino si Fuffy, lalo pa at napaka-cute nito at mabait.
Wish naman ng isang netizen na sana raw ay mahiram niya si Fuffy kahit isang araw lang.

Marami rin ang nagsabing medyo chubby si Fuffy, at nakadagdag iyon sa pagiging cute nito.
Inihalintulad ito sa unan at loaf bread.
Ang post ni Mitzi ay nakakuha na ng 90K reactions, 8.9K comments, at 50K shares.