Naging scene-stealer sa Westlife concert ang dalawang babaeng naka-bridal gown na sumugod sa concert.
Napaulat pa nga na kakagaling lang sa kasal ng dalawa na avid fans ng Irish boyband batay na rin sa placard na hawak nila.
Pero paglilinaw ng isa sa “brides” na si Shara Ann Salcedo, 28, pakulo lamang nila ito para mapansin ng kinababaliwang boyband.
"Talagang balak na namin mag-wedding gown kasi feeling lang namin ikakasal kami sa kanila haha. Feeling lang naman," ani Shara.
Tagumpay naman si Shara na mapansin ng Westlife. Pinaakyat siya at ang kasama niyang "bride" sa entablado at nagkaroon ng moment sa ilang Westlife members.

Emosyunal si Shara Ann Salcedo (center) nang makaakyat sa stage ng Westlife concert at mayakap ni Shane Filan.
Matapos nito, nag-post sa Facebook si Shara ng selfie nila ng Westlife member na si Shane na kinunan ni Shara noong nakaakyat siya sa entablado.
Idinikit ito ni Shara sa edited photo nila ni Shane na kanyang ginawa noong 2020.
Ang nakagugulat, naka-wedding outfit din sila ni Shane sa kanyang edited photo.
In short, nagkatotoo ang edited picture ni Shara na ginawa niya three years ago!

Ang edited image ni Shara kasama si Shane Filan noong 2020 (left) at ang actual photo nila noong February 21, 2023 (right).
Nangyari ang The Wild Dreams Tour 2023 concert ng Westlife sa Pilipinas sa Araneta Coliseum nitong February 20-21, 2023.
Ikinuwento ni Shara sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang nakabibilib na kuwento kung paano nagkatotoo ang Photoshopped pictures niya kasama ang Westlife, na binubuo nina Shane Filan, Mark Feehily, Brian McFadden, Nicky Byrne at Kian Egan.
Si Brian ay hindi nakasama sa concert tour sa Pilipinas.
WESTLIFE FAN SINCE A KID
Fan ng boybands si Shara anim na taon pa lang siya. Bukod sa Westlife, paborito rin niya ang A1 at The Moffats.
“Ang pinakanagustuhan ko po is ang boyband na Westlife,” aniya nitong February 23-24 via messaging.
Kahit bulol pa siya noon ay kinakanta na niya ang Westlife songs at hanggang ngayon ay memoryado pa ang dance steps ng kanilang upbeat songs.
Mula high school at college, patuloy na naging avid fan ng Westlife si Shara.
“Sila talaga ang stress reliever ko hanggang sa mag-college. Marinig ko lang songs nila nawawala na pagod ko o stress sa school.
“Kaya nung nagka-work ako, sabi ko, if ever man magka-concert sila hindi ko na palalagpasin.”
Natupad ito ni Shara nang mag-concert ang grupo sa Pilipinas noong 2019.
“Sobrang saya ko na noon. For the hagulgol na ako noon kasi dream-come-true po talaga.”
EDITING PHOTOS WITH WESTLIFE
Nang mangyari ang pandemic, inaliw ni Shara ang sarili sa pamamagitan ng pag-e-edit ng photos at videos niya kasama ang Westlife.
Sabi niya, “Nagsimula lang ako mag-edit sa pic na ito year 2020—pandemic days and sobrang bored.
“Wala ka nang maisip na gagawin. Kahit po videos na naka-green screen meron akong edit na kunwari kausap o kasama nila ko hahaha!
“Sa paraan na iyon, feeling ko nakakasama ko na sila kahit sa edit lang.”
May isang edited photo si Shara kasama si Nicky na parehong naka-jacket. Isa rin sa mga nagkatotoong Photoshopped photo ni Shara.
Nagawa ni Shara na makapagpa-pic din kasama ang boyband member at ipinost niya rin ito.

Ang edited image (left) ni Shara kasama si Nicky Byrne at nang magkatotoo ito sa concert ng Westlife noong February 21, 2023 (right).

Siyempre, wala siyang kaalam-alam na more than two years after, magko-concert uli ang grupo sa Pinas.
“Wala pa po kami idea noon. Kasi fresh pa last concert nila noong 2019.”
THE WEDDING GOWN STINT
Samantala, ibinahagi rin ni Shara kung paano niya naisipan na mag-wedding gown outfit, na na-pick up pa ng ilang news sites at nakumbinse sa pakulo niyang galing siya sa kanyang kasal.
Aniya, “Nag-isip na kami ng pakulo since sa ibang K-pop concerts may nag-bridal gown. Why not try sa Westlife?
“Naituloy namin ang plano last February 20, 2023. Sabi namin acknowledge lang ng Westlife o mapansin kami sa aming kasuotan, ayos na.
“But the Lord gave us so much more [than] what we expected. Nakaakyat kami sa stage.
“Grabe po talaga that night. Talagang napasabi ako ng, ‘THANK YOU LORD and thank you Westlife for making my WILD DREAMS come true.”
