Isang dating overseas Filipino worker ang masuwerteng napanalunan ang kalahati ng premyo para sa February 1, 2023 draw ng MegaLotto 6/45 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang winning combination ay 37-29-42-21-27-05.
Taga-Makati City ang masuwerteng bettor.
Na-claim na rin niya noong February 2 ang kanyang premyong PHP73,481,247.20 sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Kasama niya ang anak na lalaki.
Read also: 40 anyos na binata sa Cagayan De Oro, instant multimillionaire sa 6/55 lotto
Taga-La Carlota City, Negros Occidental naman ang isa pang bettor na kahati niya at tumaya sa parehong kumbinasyon.
Ayon sa dating OFW, dalawang taon na niyang inaalagaan ang kanyang number combination.
Naglalaan din siya ng PHP60.00 araw-araw sa pagtaya sa lotto.
HINDI NAGPAPALIT NG BET SLIP O LOTTO CARD
Pagbabahagi pa niya sa panayam ng PCSO para sa website nito, “Yung bet slip na ginagamit ko, meron nang shade yung mga alaga kong numero.”
Iniingatan umano niya ang kanyang bet slip.
“Hindi ko na pinapalitan yun. Tuwing tataya ako sa lotto, yun nang yun ang ibinibigay ko sa teller, ‘tapos itatago ko ulit sa wallet ko.
“Para kinabukasan pag tataya ako, hindi na ako mahihirapan sa pag-shade uli.”
Malaking biyaya aniya ang kanyang napanalunan.
Kuwento ng winner, pagkatapos niyang maging OFW sa loob ng dalawang taon ay umuwi na siya at nagtayo ng sari-sari store.
Dito niya kinukuha ang pangsuporta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya, at sa pagpapaaral sa dalawa niyang anak na parehong nasa kolehiyo na.
Plano niyang gamitin ang napanalunan sa pagpapatayo ng bahay, at mag-start ng mas magandang negosyo.
Read also: Dating dishwasher at waiter sa resto, tumama ng PHP75.2 million sa lotto
Nang tanungin kung ano ang kanyang naramdaman nang mahawakan ang tseke, aniya, “Hindi ko po maintindihan ang nararamdaman ko ngayon—masaya pero kinakabahan ako.
“Nagpapasalamat ako sa Diyos sa biyayang ito.”
Umaasa naman siyang patuloy na makatutulong ang PCSO sa mga nangangailangan.
“At kung may pagkakataon lamang po ako, sasabihin ko sa buong Pilipinas na totoo po ang lotto—at totoong may nananalo.
PAALALA SA MGA LOTTO WINNERS
Para sa mga magwawagi sa lotto, sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, awtomatikong kakaltasin ang 20 percent bilang buwis mula sa jackpot prize.
Batay naman sa PCSO charter, ang premyo ay dapat na ma-claim sa loob ng isang taon mula sa petsa kung kailan ang bola.
Kung hindi ma-claim sa itinakdang panahon, forfeited ang premyo at magiging bahagi ito ng PCSO Charity Fund.
Ipinaalala naman ng PCSO sa mga mananalo na i-secure ang kanilang tickets, at isulat ang pangalan at pirmahan sa likod.
Read also: Mag-ama wagi ng PHP11M sa MegaLotto 6/45. “Sabi ko tig-isa tayo. Kapag tumama, hati tayo."
Hindi dapat malukot ang tickets, matupi o magkaroon ng kahit maliit na punit.
Ang bar code ay hindi dapat masira dahil importanteng component ito ng ticket para sa validation.
Dapat ay kayang basahin ng lotto terminal ang bar code.
Nagpapasalamat naman ang PCSO sa patuloy na suporta ng mga mananaya. Sa pamamagitan nito, nakapaghahatid ang ahensiya ng charity services sa mga individuals and institutions na nangangailangan ng financial and medical assistance.