Tinatawag na TOTGA—o The One That Got Away—ang taong nagustuhan pero napakawalan.
Ito ang kuwento nina Hermilano “Boy” Echavez, 81, at Ligaya Gamo-Pacanza, 80.
Sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong May 14, 2023, itinampok ang naunsyaming love story ng dalawang senior citizens.
Matapos ang 61 years, nagkita muli ang dalawang minsan ay pinagkaitan ng panahong maging sila.
Si Boy ay matagal nanirahan sa Amerika at hiwalay na sa asawa. Si Ligaya naman ay nabiyuda noon lamang nakaraang taon.
Paano nga ba nagsimula ang lahat at sino ang nang-iwan kanino?
SWEET YESTERYEARS
Nagsimula ang lahat noong taong 1962 sa Sta. Catalita, Negros Oriental. Ilang kilometro rin ang layo nito mula sa Dumaguete City.
Balikbayan at nagbabakasyon noon si Boy sa probinsya at nireto siya kay Ligaya.
Kuwento ni Ligaya, na 17 anyos lamang noon: “Papa niya, nagpunta rito sa amin. Sabi niya sa mga auntie ko, ‘I want that my son will be married to somebody from our town.’
“Sabi ng Auntie ko, ‘Oo, sige…’”
Nagpasya si Boy na mag-aral sa Silliman University sa Dumaguete para pagbigyan ang hiling ng kanyang ama.
Sa unibersidad ding ito nag-aaral si Ligaya.
Sabi ni Boy nung dumating galing Amerika, “Matangkad si Ligaya, e. Very well-mannered at mina-match talaga kami, e.”
Aminado si Boy na nahulog ang loob niya kay Ligaya.
Kaya kahit malayo ang boarding house niya sa Sta. Catalina, Negros Oriental, ay walang hindi kinakaya si Boy makita lang niya si Ligaya.
Kuwento niya, “Nung araw, it took six hours to get there. So, aalis ako ng Sabado ng hapon. Lunes ng umaga, balik sa Silliman."
Dagdag niya, bakas ang mga ngiti sa bibig,“She’s very nice, very hospitable. I like her a lot.”

LIGAYA NO MORE
Sa kabila ng pagpupursige at pagdalaw ni Boy, hindi siya sinagot ni Ligaya.
Sabi naman ni Ligaya, “Hindi naman siya nanligaw sa akin. At that time, kung nagsabi talaga siya, I don’t know…”
Ayon kay Boy, nung mga panahong yun, kahit wala silang relasyon, “may mutual understanding talaga kami.”
Pero ang nakakalungkot, hindi na ito nag-level up.
Kahit ini-entertain ni Ligaya si Boy, mas matimbang pa rin ang bilin ng kanyang ama na mag-seryoso sa pag-aaral.
Nagulat na lang si Ligaya nang biglang hindi na nagpakita at nagparamdam si Boy.
Nagtaka siya, anong nangyari gayung lumalalim na ang pagtitinginan nila?
Pagbabalik-tanaw ni Ligaya, bakas ang pagkadismaya, “Sabi ko, ‘Ano ba naman itong taong ito?’ Sa mind ko rin, ‘We’re just friends so wala akong control sa kanya.’
“I went to Cebu to continue my medicine. I didn’t know that he went back to the States. Hindi sinabi sa akin."
SWEET REUNION AFTER SIX DECADES
Ano ang iyong gagawin kung isang araw bigla na lamang magpakita ang taong minsang nagpatibok ng puso mo?
Matapos ng anim na dekada, nagulat si Ligaya nang malamang may bisita siya sa Sta. Catalina.
Si Boy ay dumayo sa Negros Oriental pagkagaling ng Amerika para makita si Ligaya.
Sabi niya sa pagkikita ng dating ka-MU, “Galit talaga, e, hanggang ngayon ipinapakita niya, e.”
Hindi alintana ni Boy ang biyaheng galing Amerika papuntang Manila at Negros Oriental makita lamang si Ligaya.
“She’s really something, and I still like her a lot.”
Mahaba-habang paliwanag ang ginawa ni Tatay Boy makumbinsi lamang si Ligaya.
That long time ago, gusto raw talaga niya bumalik ng Dumaguete mula sa bakasyon niya sa Amerika. Kaya lang nagkaproblema sa eskuwelahan nila.
“Kaya hindi na ako tumuloy kasi sabi nila, kailangan ko raw isama ang parents ko.
“Beinte anyos na ako, e, bakit pa ako magdadala ng parents? Hindi na ako bata.”
Dahil dito, sa Amerika na nagpatuloy si Boy ng pag-aaral. Doon na rin siya nakapag-asawa at nagka-pamilya.
Pero nagkahiwalay din sila ng asawa.
All this time, hindi itinago ni Boy ang pagtangi niya kay Ligaya kahit sa kanyang asawa. Ni minsan, hindi rin nakalimutan ni Boy ang Sta. Catalina.
“When it comes to Sta. Catalina, there’s only one person I think about, si Ligaya,” ani Boy na hindi itinatago ang tuwa.
SO MANY QUESTIONS
Kung akala niyo sa pelikula lamang napapanood ito, merong pala talagang meant to be.
Tulad ng muling pagku-krus ng landas nina Boy at Ligaya.
Maraming katanungan ang bumulaga kay Boy.
“Nanligaw ka ba sa akin?” tanong ni Ligaya.
Agad naman daw siyang sinagot na, “E, pupunta ba ako sa inyo at bibiyahe ng anim na oras. Hindi ba yun ligaw?
Ang hindi malinaw sa kanila ay kung ano ang naging ugnayan nila. Hindi naipahayag ni Boy kay Ligaya ang damdamin niya. Sayang ang mga lumipas na taon.
SPECIAL FRIENDS
Mabuti na lang mabait ang kapalaran kina Boy at Ligaya.
Sino ang mag-aakalang matapos ang mahabang panahon, heto na sila’t nagkitang muli.
Maraming katanungan ang ngayo’y may sagot na.
Halatang naroon pa rin ang espesyal na pagtingin ni Boy kay Ligaya.
Bago bumalik ng Amerika kung saan na siya nakatira, muling bumisita si Boy kay Ligaya sa Sta. Catalina.
“I thought you already went back to the US?” sabi ni Ligaya.
“Not until I see you again…” hirit naman ni Boy na nagpakilig sa mga tao sa paligid.
“Ang pangalan niya ay Ligaya. She brings happiness to the people who are meant to meet her.
"And me, even more!” ito ang mga linyang nagpa-trending kay Tatay Boy sa Tiktok hanggang ngayon. “Hindi nga lang ako nagsabi, kahit na minsan….”
So, may pag-asa ba sa pagitan nila?
Diretsong tanong ni Boy kay Ligaya, "If I asked you, papayag ka pa ba?"
Ligaya: "Maybe before. But that is past..."
Boy: "Before lang?"
Ligaya, "Oo. Pero ngayon, mga matatanda na tayo. Maybe I can treat you as a special friend.” sagot ni Ligaya.
Marami nang nagbago sa pagitan nina Boy at Ligaya sa paglipas ng maraming taon. Kasama na sa pagbabago ang pagtingin nila sa isa't isa.
Pero hindi man na sila magkatuluyan, nasagot na ang mga tanong sa kanilang isipan.