Halos lahat ay gustong magmukhang bata.
Kaya marami talaga ang gumagastos para sa beauty regimen.
Pero si Jasmine Kate Eleja, tila matagal pa bago niya kailanganin ang mga pampabatang cosmetics.
Paano ba naman, kahit 16 years old na siya, mukha pa rin siyang batang paslit.
Sa amo ng mukha at gandang hindi tumatanda, puwedeng mapagkamalang manika ang dalaga.
Tubong E.B Magalona, Negros Occidental si Kate.
Katunayan, Grade 10 na si Kate at honor student pa.
LIVING DOLL
Sa edad niyang ito, nanatiling 3’3” (3 feet and 3 inches) ang height ni Kate.
Nakapanayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang tiyuhin ng dalagita na siyang guardian niya. Healthy baby raw nung ipinanganak si Kate.
“Mga six pounds siguro…” sabi pa ni Jonathan.
Pero pagtuntong ng bata sa grade school, “Napansin namin, hindi na lumalaki si Kate.”
May sukatan ng height ang tiyuhin niya sa kanilang bahay. Sa dingding, pinapasandal ng tiyuhin si Kate para maguhitan ang taas nito.
Ang tangkad ni Kate ay kagaya ng sa mga six-year-old kids.
Kung itatabi siya sa manika, halos pareho lang sila ng laki.
Sa body type, height, at itsura ni Kate, lagi siyang napagkakamalang batang paslit. Bata mang tingnan, pormang dalagita na ang datingan ni Kate.
Read: Woman’s burp louder than blender, electric drill, motorbike; earns Guinness World Records title

Updated siya sa fashion style at marunong mag-make-up.
Libangan ni Kate ang pagsasayaw sa Tiktok at naba-bash daw siya dahil akala ay bata siya.
“Marami akong bashers. Sabi nila, parang ang mature ko na raw gumalaw. Pati yung mga uso, sinusunod ko,” sabi ni Kate.
May mga ayaw maniwala sa kanyang tunay edad at minsa’y na-ban pa ng Tiktok ang kanyang dance video dahil istrikto ang community guidelines ng social-media platform na ito tungkol sa mga galaw at aktibidades ng mga batang menor de edad.
Pero hindi nagpatinag si Kate.
Patuloy siyang gumagawa ng dance videos niya kahit ano pang sabihin ng iba.
DIFFERENTLY BEAUTIFUL
Kahit lumalaking may iba kay Kate, hindi ito hadlang para mamuhay siya nang normal.
OFW sa Singapore ang nanay niya kaya naiwan siya sa pangangalaga ng tiyuhin at mga kamag-anak.
Ganoon pa man, masayahin at masipag si Kate, at may pa toka siya sa gawaing bahay: ang pagsi-set ng table at pagwawalis.
Para maabot ang mga kubyertos, tumutuntong si Kate sa gilid ng mesa.
“Inaano [pinapatong] ko po ang aking kamay para po makahawak sa gilid,” paglalarawan ni Kate na ibig sabihin, kumukuha muna siya ng balanse bago abutin ang kubyertos.
Hindi man matangkad, sobra naman ang mga blessings ni Kate sa ibang bagay.
Maraming kaibigan, aktibo sa eskuwelahan, at consistent honor student pa ang dalagita.
Class president na, iskolar pa!
Proud nitong ipinakita ang kanyang medals at certificates.
Sabi ni Ms. Josephine Duarez, school principal sa eskuwelahan ni Kate, “I really appreciate Kate, na even though she is little compared to her age level, hindi hadlang sa kanya ang kanyang laki."
Small but terrible raw ang tawag ng marami sa dalagita.
Read: Bata na idol si Spider-Man, nagpakagat sa black widow spider; isinugod sa ospital

STAGNANT GROWTH
Sa kabila ng pagtigil ng paglaki, hindi nawalan ng pag-asa ang pamilya ni Kate na puwede pa siyang gumaling.
Pinainom siya ng mga bitaminang pampatangkad pero, walang epekto.
Hanggang sa kumonsulta na sila sa isang espesyalista at napag-alamang may growth hormone deficiency siya.
Ito ay isang kondisyon kung saan hindi angkop ang kanyang mga buto sa kanyang edad.
Ayon kay Dr. Eunice Tan, isang endocronologist, “Ito ang tinatawag ng iba na dwarfism. Ang growth hormone ay responsible para lumaki o tumangkad ang isang tao.
“Pag sinabi nating defficient, kulang. Hindi siya namamana. Genetic mutation siya.
“Kailangan nating bigyan ng growth hormone. Injectable siya. Sa isang buwan, PHP 50,000 ang cost. Pero araw-araw itong ini-inject.”
Kahit may ganitong option para kay Kate, ayaw na ring magbakasakali ng mama niya.
Sabi ng Tito Jonathan ni Kate, “Yung procedure is risky. Pabababain ang dugo saka i-inject yung growth hormone. Marami raw bata ang kinukumbulsyon. Ayaw ng mama niya kasi natakot.”

BABY DOLL IN NEGROS OCCIDENTAL
Nitong nakaraan lang, nag-courtesy visit si Kate kay E.B. Magalona Mayor Marvin Malacon.
Sa FB page ng Municipality of E. B. Magalona, naikuwento raw ni Kate kay Mayor Malacon na mahilig siyang gumuhit.
Pangarap ni Kate maging designer.
Bilang suporta, nagbigay ng financial assistance si Malacon, at hinikayat din niya si Kate na ipagpatuloy ang kanyang hilig sa pagguhit.
Sa kabila ng kondisyon ni Kate, hindi nagkulang ang pamilya niya sa gabay, suporta, at pagmamahal.
Kahit nasa abroad ang ina, nakatutok ang mga tiuyhin at lola ni Kate sa kanya.
Malaking bagay ang mga ito upang hindi siya mawalan ng kumpiyansa sa sarili at patuloy na lumaban sa buhay.