Apat na buwan na ang nakalilipas, nanunungkit ng niyog ang magsasakang si Jerson “Emboy” Espadilla, taga-Siruma, Camarines Sur.
Hindi niya alam na sa puno ay may pugad na pinamumugaran ng isang inakay, na isa palang North Philippine Hawk Eagle (Philippine Hawk Eagle), na idineklara nang “vulnerable species” dahil kakaunti na ang kanilang bilang.
Dahil responsable sa pagkakasira ng pugad, inalagaan at pinalaki ni Emboy ang inakay.
After four months, lumaking malusog ang agilang tinawag niyang Bagwis.
Malaya itong nakalilipad sa malawak na bukirin sa lugar nina Emboy.
Kapag tinatawag ito ni Emboy, sisipol lang siya at lalapit na si Bagwis.
Ang pag-aalaga rin kay Bagwis ang kadalasang content ni Empoy sa ginawa niyang YouTube channel.
Pero darating ang panahon na kelangan nang tuloyang pakawalan ni Emboy si Bagwis.
Alinsunod kasi sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, hindi puwedeng dakpin o gawing alaga ang hayop sa wildlife, lalo na kapag endangered species.
Itinampok ang kuwento nina Emboy at Bagwis sa episode ng Born To Be Wild ng GMA-7 nitong August 6, 2023.
Inilahad ni Emboy kung paano nahulog noon mula sa puno ang inakay kaya inaruga niya ito.
Ginawan pa niya ito ng pugad, pinakain ng karne, at pinapaliguan pa.
Read: "Malas daw?!” Uwak, ginawang alaga ng isang pamilya sa Pangasinan

Si Emboy at ang North Philippine Eagle na si Bagwis.
“Hindi ko naisipan ikulong kasi gusto ko maging malaya po talaga siya,” lahad ni Emboy.
“Kung umalis po siya sa lugar namin, kasi wala naman akong ideya. Hindi ko man hinahangad na tumagal po siya dito. Kasi wala naman po akong kakayahan na mag-alaga ng ganyan.”
Makikitang malapit si Emboy sa juvenile eagle. Inamin niyang para na niya itong anak.
“Nagagalit na ang misis ko kasi wala na po akong time din sa mga bata. Ang time ko din puro kay Bagwis na,” sabi ni Emboy.
Nasaksihan din ng Born To Be Wild host na si Dr. Nielsen Donato ang bond sa pagitan nina Emboy at Bagwis.
Sabi ng veterinarian host, “It’s not usual that we see people keeping wildlife freely flying na walang kulungan.”
Napansin niyang mailap si Bagwis sa mga taong hindi niya kilala. Isa raw itong good sign para sa animals in the wild.
Hindi raw kasi dapat na maging kampante sila sa presensiya ng mga tao para na rin sa kanilang kaligtasan.
Gayunpaman, hindi pa rin daw lumalayo si Bagwis sa lugar nina Emboy at “reachable” pa rin ito. Ito naman daw ang bad sign.
Read: Magnanakaw, nakipaglaro muna sa asong bantay bago tinangay ang PHP73K na electric bike


WHAT’S NEXT FOR BAGWIS
Sinuri ni Doc Nielsen si Bagwis, at nakita niyang malusog ito.
Paliwanag ni Doc Nielsen: “We always advocate na every time we see a wildlife, tulad ng mga chick, mga babies na wildlife, pag nakita niyo, kung maaari wag natin tong kukuhanin.
“Pero may pagkakataon na sa palagay mo sobrang tagal na nasa lupa yung inakay, di kinukuha ng nanay niya, kesa mamatay, nire-rescue siya ng tao.”
Ito ang nangyari sa sitwasyon nina Bagwis at Emboy.
Habang hindi pa tuluyang nililisan ni Bagwis ang bukid, nagbahagi ng kaalaman ang mga taga-Department of Environment and Natural Resources Community Environment and Natural Resources Office (DENR CENRO GOA) sa pamilya ni Emboy kung ano ang dapat nilang gawin.
Ani Cyrus Job dela Cruz ng DENR CENRO GOA ng Cam Sur, “Knowing naman ang situation ni Bagwis at nung situational area kung saan naman po nakatira si [Emboy], it is better po na i-remain natin si Bagwis sa wild.
“Actually, nasa wild state naman siya, at bumibisita lang naman siya dito [kina Emboy]. [It] depends on availability of food.
“And, actually, based on interviews din na si Bagwis, nagha-hunt din po talaga ng small birds dito sa area.
“It’s a good indicator na through time si Bagwis ay babalik din sa kanyang wild state po.”
Read: Bata na idol si Spider-Man, nagpakagat sa black widow spider; isinugod sa ospital

Ayon sa RA 9147: Wildlife Resources Conservation and Protection Act, ang “collecting, hunting or possessing wildlife, their by-products and derivatives” ay may katumbas na parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon.
May multa ring PHP10,000 hanggang PHP100,000 pagdating sa “vulnerable species.”
Ani Doc Nielsen, napansin niyang hangad ni Emboy na makabalik na sa wild si Bagwis, kahit napalapit na siya sa ibon.
Panahon lamang daw ang hinihintay bago mangyaring maging independent na si Bagwis at tuluyan nang babalik sa wild.
Ani Doc Nielsen ukol kay Emboy, “Tinuring na anak, pero alam niya na di tama na manatili si Bagwis sa kanyang pangangalaga dahil hindi iyon ang tama.”

