Iba talaga ang lukso ng dugo.
Sa simula't simula, kinutuban na ang isang nanay—si Siti Mauliah—na napalitan ang sanggol na iniuwi niya sa bahay.
Pero inabot ng isang taon bago naibalik sa piling niya ang baby boy.
Ang mala-teleseryeng kuwento ng babies switched at birth ay naganap sa isang ospital sa Indonesia, ayon sa ulat ng The Straits Times nitong August 31, 2023.
A MOTHER’S INSTINCTS
Nanganak si Siti sa Sentosa Hospital sa Bogor, West Java, noong July 18, 2022.
Lingid sa kanyang kaalaman, may isa ring sanggol na isinilang sa parehong petsa at sa parehong ospital.
Noong na-discharge na sa ospital si Siti, inabot sa kanya ng hospital nurse ang sanggol.
Kinutuban si Siti.
Napansin kasi niyang iba ang kapal at kulay ng buhok ng sanggol na hawak niya.
Isang araw bago siya na-discharge, na-breastfeed mismo ni Sitti ang kanyang baby boy, at napansing manipis ang buhok at brown ang hair color nito.
Mas lumakas ang kutob ni Siti na hindi niya anak ang iniuwing sanggol dahil ayaw mag-breastfeed sa kanya.
Hindi rin daw suot ng sanggol ang damit na dala ni Siti sa ospital.
Aniya sa interview ng The Straits Times, “I felt no bond with the baby I was carrying...
"My conscience was rejecting him, telling me this was not my baby.”
Read: Airline crew members, umani ng batikos at sermon dahil sa "unprofessional" picture taking
switched at birth
Makalipas ang isang linggo matapos makauwi, mas lumakas ang suspetsa ni Siti nang mapansin na ang nakalagay sa identity bracelet ng sanggol ay pangalan ng ibang nanay—si Dian Hartono.
Kaya nagtungo sa ospital si Siti, at ipinaalam ang kanyang suspetsa, pero hindi siya pinaniwalaan ng staff.
Iginiit nilang hindi nagkapalit ang mga sanggol, kundi nagkamali lamang daw sa paglalagay ng identity bracelets.
Hindi kumbinsido si Siti, kaya hinanap niya si Dian Hartono, ang pangalang nakasulat sa identity bracelet.
Apat na buwan matapos manganak, natunton niya ang address.
Ipinaalam ni Siti na posibleng nagkapalit ang kanilang mga sanggol, pero hindi naniwala si Dian dahil tama ang nakasulat sa identity bracelet ng baby boy na inuwi niya.
Nung mga panahong iyon, naramdaman na ni Siti na anak niya ang karga-kargang sanggol ni Dian.
Subalit walang matibay na ebidensiya si Siti.
DNA TEST
Ang kuwento ni Siti ay kumalat “via word of mouth” at nakarating kay Attorney Rusdi Ridho, isang abogado sa isang law firm sa Jakarta.
By this time, one-year-old na ang mga bata.
Kumilos si Rusdi para alamin ang katotohanan.
Ipina-DNA test si Siti at ang sanggol na nasa sa kanya,
Ang resulta: Hindi anak ni Siti ang sanggol.
Inalerto ni Rusdi ang mga pulis, na ipinag-utos na ipa-DNA ang dalawang sanggol at ang kani-kanilang mga magulang.
Noong August 28, 2023, inanunsiyo ng mga awtoridad na nagkaroon ng kaso ng cradle-swapping sa Sentosa Hospital sa Bogor.
Nagulat ang kampo ni Dian at ng mister niya nang lumabas ang resulta ng DNA tests.
Tatlong taon din ang inabot bago sila nabiyayaan ng sanggol. Besides, wala sa hinagap nila na may pagkakamali sa identity bracelet.
CHILDREN TO BE SWITCHED BACK
Nakatakdang ibalik ang mga bata sa kani-kanilang biological parents sa darating na September 29, 2023.
Kailangan ng “gradual adjustment process" para sa mga bata.
Samantala, naglunsad ng pag-iimbestiga sa ospital.
Natuklasan ng kapulisan na nagkaroon ng “element of negligence” sa paglalagay ng identity bracelets, kaya nadoble ang pangalan ni Dian at in-attach ang isang bracelet sa baby boy ni Siti.
Ayon sa tagapagsalita ng Sentosa Hospital, magbibigay sila ng scholarship hanggang high school at free medical service hanggang magbinata ang dalawang sanggol na naipagpalit.
Sinabi naman ni Jasra Putra, vice-chairman of the Indonesian Child Protection Commission, ito ang kauna-unahang naitala na switched-at-birth incident sa Indonesia.
