Madalas sinasabi na nagiging magkamukha ang magkasintahan lalo na habang tumatagal ang kanilang pagsasama.
Mukhang ganito ang paniniwala ng isang lalaki sa India dahil nagpanggap siya bilang kanyang girlfriend sa araw ng entrance exam nito.
Sa simula, nakalusot ang lalaki, pero di nagtagal ay nabisto ang kanyang pagpapanggap kaya inaresto ito ng mga pulis.
Ang entrance exam ay para sa admission sa Baba Farid University of Health Sciences sa Distrito ng Farikdot, Punjab, India, ulat ng The Indian Express noong January 15, 2023.
Nangyari ang insidente sa DAV Public School sa Kotkapura, isa sa mga testing centers.
Ayon sa mga awtoridad, dumating sa exam hall si Angrez Singh na nakasuot ng salwar kameez (traditional dress ng Indian women), stole (balabal), at cap.
Nag-shave pa ang suspek, naglagay ng make-up, at ipinatong ang kanyang larawang nakaayos na babae, sa ID ng kanyang girlfriend, ayon kay Kotkapura station house officer (SHO) Manoj Kumar.
Pero nang magsagawa na ng biometrics, at i-check ang thumb marks ng examinees, dito na nabisto ang disguise ng lalaki.
“The candidate managed to enter the examination hall,” ani Harjeet Sing, senior superintendent of police sa Farikdot, sa The Indian Times.
“However, the officials got suspicious as the picture of Paramjeet Kaur [girlfriend] on the application form was not matching with the face of the candidate in question.
“Later, biometrics were done, and they didn’t match with the ones kept in the records.”
“It was found that a boy named Angrez Singh had impersonated Kaur.”
Taglay pa umano ng suspek ang pekeng aadhaar card o unique identity number ID, voter card, at isa pang ID card na may pangalan ng kasintahan.
Nabisto ng mga awtoridad na nakatira ang dalawa sa parehong district. Nauna nang bumagsak sa exam ang girlfriend.
Sinabi ng suspek na magkamag-anak sila ng babae, pero nalaman eventually ng mga pulis na magkasintahan pala sila.
Naaresto si Kaur, pero nakapagpiyansa na.
Iniimbestigahan pa rin ng mga pulis kung paano na-produce ang mga fake identity cards, at baka sindikato raw ang nasa likod nito.
May ganito ring insidente noong December sa isang nursing exam. Hindi nag-match ang biometrics ng candidate sa pangalan sa ID, kaya’t pinauwi ang dapat kukuha ng exam.
Sinabi ng mga pulis na standard procedure nila ang magsagawa muna ng face identification and biometrics bago kumuha ng exam ang candidates.