Pinagpipiyestahan sa social media ang kaso ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan na sangkot sa murder ng mag-asawang Japanese sa Tokyo, Japan.
Ang malungkot lang, may netizens na ikinuwento ang pangyayari na tila nag-uulat pero mali-mali naman ang kani-kanilang report.
Sa sensitibong kaso tulad nito, importante na tama ang ulat lalo na't buhay at reputasyon ng mga tao ang nakasalalay dito.
Noong January 19, 2024, inaresto ng Japan police ang isang 30-anyos na female OFW.
Kaugnay ito ng murder sa mag-asawang Takahashi. Pinagsasaksak sa dibdib ang mag-asawang Hapon at itinago ang mga labi sa ilalim ng mismong bahay nila sa Adachi Ward, Tokyo.
Ang Pinay OFW ay napaulat na girlfriend ng anak ng mag-asawang Takahashi, ayon sa reports. Seven years nang nagtatrabaho sa Japan ang Pinay at residente na roon.
Nadawit siya dahil nakita siya sa bahay ng mga biktima bago at pagkatapos ng krimen.
Read: Princess Aiko of Japan to work as contractual employee in Red Cross
Ulat ng Japan local media, nakunan sa hiwalay na CCTV ang Pinay at isa pang di-kilalang lalaki malapit sa bahay ng mga biktima noong January 16, 2024.
Nakita rin sa CCTV na nagtungo ang Pilipina sa kanyang tinitirhan, gayundin ang di-kilalang lalaki na malapit lang sa tirahan ng mga biktima.
Later on, nakilala ang lalaki na isa rin palang Pilipino na nagtatrabaho roon. Siya ay 32 anyos.
Noong araw na iyon ng January 16, nakunan sa CCTV ang Pinay OFW malapit sa kanyang tirahan at ang lalaking OFW na nagtatapon ng mga damit na may bakas ng mga dugo.
That same day, ang anak ng mag-asawang biktima—na siyang kasintahan ng Pinay OFW—ay tumawag sa mga pulis at ipinaalam na may nakita siyang mga bakas ng dugo sa kanilang bahay at nawawala ang kanyang mga magulang.
Noong January 18, natagpuan ng mga pulis ang mga katawan ng mag-asawang biktima sa ilalim ng sahig ng storage area ng kanilang bahay.
Kinabukasan, inaresto ang Pinay OFW. Suspetsa ng Japan authorities, may kasabwat siya dahil hindi nito kakayaning buhatin ang mga bangkay nang mag-isa.
Natukoy nga ng mga pulis ang pagkakilanlan ng lalaking OFW at inaresto rin ito.
Umamin siya na iniwan nga nila ang bangkay ng mag-asawang biktima sa kanilang bahay.
Pahayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, “OFW Bryan admitted that he really abandoned the dead bodies of the Japanese together with overseas Filipino Morales.”
Sinampahan ng kasong “abandonment of corpse” ang dalawang OFWs.
Read: Some schools in U.S. remove mirrors in restrooms to stop students from shooting TikTok videos
ABANDONMENT OF CORPSE
Pagpapatuloy pa ni Ignacio, isinailalim sa test ng Japan authorities ang mga nakitang dugo sa bahay ng mga biktima.
Ani Ignacio, “Based on the information received, through DNA test, the blood found on the floor matches the blood of two Japanese victims and that of OFW Bryan.”
Pagpapatuloy ni Ignacio, walang pag-amin mula sa dalawang Pinoy na inaresto na may kinalaman sila sa pagpatay sa mga biktima.
Nakausap naman ng Consul General ng Pilipinas ang babaeng OFW na nakadetine.
“Na-meet na po namin siya sa detention center. Nagpunta na po yung Consul General natin. Okay naman daw po,” ani Ambassador Mylene Garcia-Albano, Philippine Embassy in Tokyo, Japan sa GMA Integrated News interview.
Dugtong ni Garcia-Albano, “Wala naman daw siyang ginawang masama, ‘yun po ang sabi niya. Consistent po doon sa newspaper article yung kanyang statement.”
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Ed de Vega sa News5 interview na nais ipaabot ng Pinay OFW sa kanyang pamilya sa Pilipinas na maayos ang kanyang lagay.
Nabigyan na rin daw siya ng court-appointed lawyer ng Japan.
May panawagan pa si De Vega: “Wag tayong mag-speculate. Hintayin natin lumabas ang official news or official findings ng Japanese authorities.”
Sa lumabas kasi na TikTok videos, kung tukuyin ng ibang netizens ang Pinay OFW sa kanilang mga reaksyon at comments ay hinatulan na nila na ito na ang killer.
Sa January 26 interview kay DFA Undersecretary De Vega ay sinabi nitong nabisita na rin ng General Consul ang Pinoy OFW na naka-detain din kaugnay ng isyu.
Inilarawan ng opisyal ang lalaking OFW na “very distraught emotionally.”
Kinumpirma ng DFA official ang mga naunang balita na mayroon itong hand injuries.
Pero pahabol ni De Vega, “Hindi ibig sabihin may kinalaman [sa pagpatay]. Hindi automatic yan. Wala siyang sinabi sa embahada, wala mang parinig na meron siyang kasalanan.”
Kinumpirma rin umano ng Pinoy OFW nakilala niya ang na-detain ding Pinay OFW.
Ani De Vega, inamin ng lalaki na “may problema between them,” pero walang ibang detalyeng ibinigay.
“Tingnan natin ano ang lalabas,” ani De Vega, pagtukoy sa pagpapatuloy na imbestigasyon na isinasagawa ng Japan authorities sa kaso.
