Nag-viral ang video ng isang lalaki sa Ellis County, Texas na bumili ng gitarang may autograph ni Taylor Swift sa isang auction—pero winasak lang iyon gamit ang martilyo.
Ang gitara ay nagkakahalaga ng US$4,000 o PHP225,784.

Ginanap ang auction noong September 30, 2024, sa Ellis County Wild Game Dinner, isang non-profit event na sumusuporta sa agricultural education para sa local youths.
Ang Taylor Swift-signed guitar ay may kasamang certificate of authenticity.
Donasyon ito mula sa isang third party sa ginanap na auction.
Read: Elon Musk accused of harassing Taylor Swift
CROWD NATUWA SA GINAWA NG LALAKI SA TAYLOR SWIFT-SIGNED GUITAR
Sa video na ini-upload sa Instagram ng user na may handle na @TONYxTWO, makikita ang lalaki na matapos kunin ang gitara, saka iyon pinagpapalo ng martilyo.
Tuwang-tuwa naman ang crowd sa kanyang ginawa.
Hindi agad pinangalanan ang lalaki, pero siya ang nanalo sa auction para sa gitara.
Ihahampas pa sana niya ang gitara sa sahig, pero pinigilan na siya ng event host.
Read: Nanny earns PHP20K per hour as Taylor Swift look-alike
TAYLOR SWIFT-SIGNED GUITAR, BAKIT MINARTILYO NG LALAKI?
Mula nang mag-viral ang video, kumalat ang mga espekulasyon na ginawa iyon ng lalaki bilang protesta sa pag-eendorso ni Taylor Swift kay U.S. Vice President Kamala Harris sa gaganaping 2024 U.S. presidential elections.
Gayunpaman, hindi nagbigay ng anumang pahayag ang lalaki kaya nananatiling hindi malinaw ang kanyang tunay na motibo.
Naging ugat din ito ng online debate ng netizens.
Ayon sa isang nagkomento, ang mga taong gaya ng lalaking nagmartilyo sa gitara ay nabubuhay na puno ng galit ang buong pagkatao.
Kailangan aniyang mapigilan ang ganitong klase ng pagpapakita ng galit sa lipunan.
Dagdag pa niya, ang mga taong natuwa sa ginawa ng lalaki ay may problema sa pag-iisip.
Sambit naman ng isa, si Taylor Swift ay nagkakahalaga ng US$1 billion.
Ang ginawa umano ng lalaki ay hindi makakaapekto sa singer—pero ang lalaki ay parang nagsunog ng US$4,000 kaya tiyak na laking panghihinayang nito nang mahimasmasan.
Read: Taylor Swift joins Jay-Z, Rihanna, other celebs on Forbes Billionaires List
“LIGHTHEARTED STATEMENT” VS PEOPLE IN ENTERTAINMENT INDUSTRY
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Ellis County Wild Game na ang ginawa ng lalaki ay walang malisya.
Nagpakita lang umano ito ng “lighthearted statement” ng disgusto nito sa mga taong nasa entertainment industry, gaya ni Taylor Swift na gustong impluwensiyahan ang pulitika.
Ayon sa tagapagsalita, “It was just a funny thing that happened at our annual event. The crowd thought it was hilarious.”
Dagdag pa nito, ang mahalaga ay binili at binayaran ng lalaki ang Taylor Swift-signed guitar, at ang 100 porsiyento ng pera ay direktang napapunta sa local youth and agricultural education programs.
“At the end of the day, the kids win and will benefit from this,” sambit pa nito.
Noong September ay inihayag ni Taylor Swift sa kanyang followers na iboboto niya si Harris at ang running mate nito na si Tim Walz sa November 5 elections.
Hinikayat din niya ang kanyang followers na magparehistro at iboto kung sino ang kanilang gustong maging bagong U.S. president.
Read: Story behind Taylor Swift jar for Swiftie wife who can't stop talking about the pop star
KATUWAAN LANG, AYON SA NAGMARTILYO
Sa ulat ng TMZ last October 3, lumutang na ang lalaking nagmartilyo sa gitara.
Nakilala itong si Gary Estes.
Sinabi ni Gary na hindi physical na pinirmahan ni Taylor Swift ang gitara, bagaman at may autograph ito ng singer at may kalakip na certificate of authenticity.
Isang source na malapit sa merchandise company ni Taylor Swift ang nagsabi sa TMZ na hindi nito pinirmahan ang gitara.
Ang Ellis County Wild Game Dinner na nagpa-auction sa gitara lang ang nagsabing pinirmahan iyon ng singer.
Ayon naman kay Gary, katuwaan lang ang pagmartilyo niya sa gitara—at ginawa niya dahil kinantiyawan siya ng crowd na sirain iyon.
Hindi naman aniya naapektuhan ang mismong signature ni Taylor Swift.
Ipinapa-auction na rin niya iyon sa eBay.
Ibinahagi rin niya na kapag nabenta ang minartilyong gitara, ibibigay niya sa charity ang mapagbebentahan.
As of October 3, ang current bid sa minartilyong Taylor Swift-signed guitar ay nasa US$4,650 na.
Read: Taylor Swift fan, kinarir ang Eras Tour-inspired Halloween display
