Parang romance story sa isang paperback novel ang nangyari kay Megan Clarke.
Taong 2017, isang gabi ay may guwapong lalaking pumasok sa bar kung saan nagtatrabaho si Megan.
Nilapitan siya nito, nakipagkilala, at nagpahiwatig ng pagkabighani sa kanya.
Noong mga panahong iyon, ini-enjoy pa ni Megan ang kanyang kabataan at pagiging single habang naninirahan sa Isle of Wight, England.
Wala pa sa isip niya ang pagpapakasal.
Pero nang magpakilala sa kanya si Lord Bertie Underwood, nagbago ang mga disposisyon ng dalaga sa buhay.

Hindi maiwasan ni Megan na mahulog kay Bertie good-looking, well-dressed, at very sweet.
Mula noon, pinapadalhan siya nito ng mga bulaklak.
Regular din itong nagbibigay ng mga regalo na binili sa Harrods.
Kapag nagde-date sila, sinusundo siya nito sakay ng Bentley, at kung saan-saan sila nakakarating.
Ayon kay Megan sa panayam sa kanya ng YouTube channel na This Morning na ini-upload last October 17, 2024, sobrang mabait si Bertie.
Kaya naman makalipas ang isang buwan, lumipat na si Megan sa tinitirahan ni Bertie na isang three-storey seafront home.
Parang kanya na rin ang bahay, at nagpa-frame pa siya ng kanilang selfies na isinabit niya sa iba’t ibang bahagi ng bahay.
Read: Millionaire husband's strict rule on wife: “No guys friend ever.”
NAGSAMA NA SA IISANG BUBONG
Sa kanilang unang Pasko bilang isang official couple, nag-propose kay Megan si Bertie.
Niregaluhan siya nito ng isang Cartier diamond ring.
Sinabi nito sa dalaga na kung gusto ni Megan, magkakaroon siya ng title na “Lady.”
Bagaman at nabibilisan ang dalaga sa mga pangyayari, napakasaya niya noong mga sandaling iyon para mag-isip pa.
Kaya naman napahinuhod siya sa kung ano man ang mga balak ni Bertie para sa kanilang kinabukasan.
Pinag-resign siya nito sa kanyang trabaho sa bar para tulungan ang boyfriend sa kanyang watch-selling business.
Mahal ni Megan ang kanyang trabaho, pero mas mahal niya si Bertie kaya sinunod niya ang kagustuhan ng lalaki.
Naniniwala siyang mas mainam na magkatuwang nilang itataguyod ang kanilang magiging pamilya.
Read: Rachel Carrasco opens up about relationship with Victor Consunji
NATUKLASAN ANG LIHIM
Twenty-seven years old na ngayon si Megan.
Iba na rin ang sitwasyon niya ngayon.
Para sa kanya, hindi niya alam kung may aspeto ba ng love story nila ni Bertie na may bahid ng katotohanan, o ang lahat ba ay naging isang malaking kasinungalingan.

Aniya sa panayam, sa kanyang palagay, walang kakayahan si Bertie na magmahal nang tapat.
Makalipas kasi ang 18 buwan nilang pagsasama, unti-unti nang may natutuklasan si Megan tungkol kay Bertie.
May mga dumarating na liham sa kanilang tahanan na hindi sa kanya o kay Bertie naka-address kundi sa iba’t ibang pangalan—pero kinukuha ito ni Bertie at binabasa.
Kapag tinatanong niya ito kung para kanino ang mga sulat na iyon, ang laging sagot nito ay para sa dating tenant ng bahay.
Pero may kutob na si Megan.
Nagsimula siyang mag-imbestiga sa opisina ni Bertie.
Bukod sa mga sulat, may mga nakita rin siyang mga calling cards na may iba’t ibang pangalan.
Muli, nang usisain niya si Bertie ay binalewala lang nito ang pagtatanong niya.
Nagdesisyon si Megan na hanapin sa Google ang mga nakita niyang pangalan sa mga sulat at calling cards.
Gayun na lang ang gulat niya nang matuklasang ang kanyang pinakamamahal na si Bertie ay Robert Madejski pala ang tunay na pangalan.
Nagkalat din sa Internet ang mug shots nito—at kaakibat ang mga detalye ng iba’t ibang kasong kanyang kinaharap.
Read: Wife nags husband to find work; husband complains of verbal abuse
BOYFRIEND HINDI TOTOONG ARISTOCRAT
Sa patuloy na paghahalukay ni Megan tungkol sa tunay na pagkatao ni Bertie, nalaman niyang puro pagpapanggap ang ginawa nito sa kanya.
Fake ang sinabi ni Bertie na nagmula ito sa isang aristocratic family, at inaral lang nito ang posh accent.
Hindi rin totoo na isa itong horologist o expert sa paggawa, pagdidisenyo, at pagkukumpuni ng mga relo.
Nalaman din niyang ang iniregalo nitong singsing sa kanya ay fake.

Noon din siya nagkaroon na reyalisasyon kung bakit simula’t sapul ay ayaw ni Bertie na mag-post siya sa social media ng tungkol sa kanilang dalawa—nagtatago ito at napakarami palang iniiwasang tao.
MASYADO SIYANG MAPAGTIWALA, BOYFRIEND MAHUSAY NAMANG MAGPANGGAP
Nang tanungin si Megan ng kanyang mga kaibigan kung bakit hindi agad niya inalam ang background ni Bertie, ang kanyang simpleng paliwanag: “I’m a trusting person until people give me a reason not to.”
Napakahusay rin aniyang magbalatkayo ng lalaki.
At ni minsan, ni hindi ito nadulas sa pagbanggit ng nakaraan nito.
Aniya, nagagawang tapalan ni Bertie ang malalaking kasinungalingan.
Halimbawa, sinabi nito na ang floorboards sa kanilang bahay ay nakuha nito sa isang studio at ikinabit lang nang magpa-renovate ito.
Pero natuklasan niyang hindi pag-aari ni Bertie ang kanilang tinutuluyan kundi nirerentahan lang.
Ikinuwento rin umano nito sa kanya na ang great-grandfather nito ang nakaimbento ng Underwood typewriter.
Ayon kay Megan, may mga nakasabit pa na mga larawan ng Underwood typewriter sa kanilang dingding.
Pero gawa-gawa lang ni Bertie ang kuwentong iyon.
Two months bago ang kanilang kasal, nang komprontahin na niya ito tungkol sa malaking kasinungalingan nito sa tunay na katauhan, wala itong ibinigay na paliwanag.
Nawala na lang ito at iniwan si Megan na luhaan. Ipinaubaya nito kay Megan ang proseso sa pagkakansela sa kanilang kasal.
Read: Newlyweds revisit grocery store where their love story began
BOYFRIEND MARAMI PANG NAKARELASYON
Nagdesisyon si Megan na ibahagi sa social media ang kanyang karanasan para mabigyan ng babala ang iba.
Agad siyang nakatanggap ng mga mensahe mula sa iba na nagkaroon din ng relasyon kay Bertie, na ang totoong pangalan ay Robert.
Pagbabahagi niya, “Every single person he’s done this to and had sexual relationships with have been different.
“There is absolutely no pattern in type, gender, or age, which makes me think there weren’t real feelings ever involved.”
Bahagi ng scam ni Robert ang paggamit sa online dating app na Grindr para maghanap ng lalaki.
Isa sa mga ito ay nabiktima ni Robert nang bentahan niya ito ng relo sa eBay.
Nakuha ni Robert ang perang pinagbentahan pero hindi niya ipinadala ang relo sa biktima.
Nakatanggap pa ang biktima ng mga mensahe ng pananakot.
Read: Wife laments husband's “expired” joke about her
GIRLFRIEND NA-ENTICE NG BOYFRIEND NA KUMUHA NG CREDIT CARDS
Ang masaklap, nang iwan si Megan ni Robert ay may utang siyang £30,000 o PHP2,270,100.60 sa kanyang credit cards.
Si Robert din ang nag-engganyo sa kanya noon na kumuha ng credit cards para sa kanilang pagsisimula.
Ipinagbigay-alam na ni Megan ito sa Police Action Fraud team, pero batay sa imbestigasyong isinagawa, kailangan talaga niyang magbayad.
Napilitan si Megan na magtayo ng photography business para mabayaran ang pagkakautang na hanggang ngayon ay hinuhulugan pa niya.
Read: Husband sued after catching wife and lover in bed, why?
NAARESTO ANG BOYFRIEND PERO NAKATAKAS
Naaresto si Robert dahil sa reklamo ng ibang naloko nito, at nahatulan ng limang taong pagkakabilanggo.
Noong May 2022, nagawa nitong makatakas sa bilangguan at nananatiling at large.
Ito ang dahilan kaya sumali si Megan sa documentary series na Love Cheats ng isang TV network.
Umaasa siyang ngayong naisapubliko na ang mukha ni Robert sa series, mas mabilis itong madadakip.
Ani Megan, wala siyang pagdududa sa kanyang isipan na gagawing muli ni Robert ang mang-scam.
“And they will be completely oblivious as to who he is.
“I hope getting his face out there will lead to him being found.”
Nakaramdam umano siya ng takot nang malamang nakatakas sa piitan si Robert.
Mahirap aniyang matukoy kung nasaan ito.
Aminado siyang kung makikita niya itong muli ngayon, takot ang tanging mararamdaman niya.
Read: Wife dumped by husband after taking care of him for 6 years
GIRLFRIEND IS TRYING TO MOVE ON
Sa ngayon ay pilit na binubuong muli ni Megan ang sarili, at nagpapakaabala sa kanyang trabaho.
Tumanggap din siya ng kliyente sa kanyang photography business sa araw kung kailan sila dapat nagpakasal ni Robert.
Isang taon matapos ang kanyang traumatic experience ay nagkaroon siya ng panibagong karelasyon, pero hindi rin nagtagal ito.
Single siyang muli ngayon, at wala munang planong magkaroon ng love life.
“I would rather spend my time on work, my two doggies, and my close group of girlfriends.
“They were there when I met Bertie and are still here eight years later.”
Nagsimula na rin siyang sumailalim sa therapy na ipinagkaloob sa kanya ng TV network para tuluyan na siyang makawala sa anino ng traumatic experience niya kay Robert.
Inamin din niyang natagalan bago niya isinapubliko ang nangyari sa kanya dahil sa kahihiyan.
Aniya, napakahirap ng pinagdaraanan ng isang nakipaghiwalay lalo kung ikaw ang higit na nasaktan.
“But realizing you weren’t in love with a real person is something I still struggle to get my head around.”
Hindi umano niya alam kung paano inisip ni Robert noon ang pakikipaghiwalay sa kanya.
Ito lang aniya ang makasasagot.
Sigurado naman si Megan na hindi talaga siya pakakasalan ni Robert—dahil imposible aniyang mangyari iyon kung ang gamit nito ay pekeng pangalan at pagkatao.
Sa ngayon, bahala na muna ang tadhana kay Robert.
Hindi na rin niya tiyak kung mararanasan pa niya ang ikasal, bagaman at handa pa rin siyang magmahal.
Read: 80-year-old man posts photo with boyfriend taken in 1961
