Gumawa ng kasaysayan ang Fil-American grandmaster na si Wesley So, 27, nang makopo niya ang kanyang ikalawang championship title sa ginanap na 2021 Grand Chess Tour (GCT) over-the-board tournament.
Walang talo ang tubong Cavite na si Wesley sa limang events, at itinanghal na Grand Chess Tour winner.
Nagsimula ang torneo noong June 2021 sa Romania at nagtapos noong August 26 (August 27 Philippine Standard Time) sa USA.
Tinalo ni Wesley ang mga top grandmasters sa buong mundo sa 2021 edition ng GCT, ang kanyang ikalawang kampeonato sa torneo matapos niyang magwagi noong 2016.
Siya ang ika-9 sa world ranking sa hanay ng International Chess Federation (FIDE) players.
Hawak niya ngayon ang karangalan bilang two-time winner sa Grand Chess Tour history.
Kahanay na niya ang reigning world champion na si Magnus Carlsen ng Norway, na nagwagi naman noong 2015 at 2017.
Naging consistent ang pangunguna ni Wesley sa ginanap na torneo, at bukod sa pagsungkit sa overall championship title ay naiuwi rin niya ang $100,000 (PHP4,988,000.00) na premyo.
Ayon naman kay GCT founder and legendary grandmaster Garry Kasparov, “Wesley won because he is the most stable and most reliable player.
“Wesley in this calm environment, he proved to be the most resilient among the challengers.”
Sa kanyang post-game interview, sinabi ni Wesley na marami siyang natutunan sa GCT para lalo pang mag-improve ang kanyang laro.
Aniya, “I don’t really feel like a winner. I could have played better.”
Sunod na sasabak si So sa online Meltwater Champions Chess Tour (CCT) of Super Grandmasters at maglalaro sa Aimchess US Rapid, ang ikasiyam at final leg ng tournament na nagsimula na noong August 28.
Lalahok din siya sa Champions Showdown: Chess 9LX na lalaruin gamit ang Chess 960 style, o Fischer Random, na nakatakda sa September 8-10.