Matapos ang ilang
linggo ng matitinding bakbakan ay nagtapos na ang boxing reality show na
inabangan ng buong bayan. Last Saturday, December 15, napanood ng PEP
(Philippine Entertainment Portal) nang live ang final showdown ng Pinoy Mano-Mano: The Celebrity Boxing Challenge sa The Arena, San Juan.
Sa loob ng walong linggo ay natunghayan ang totoong aksyon mula sa walo sa
pinaka-magagaling na celebrity boxers ng bansa.
Lahat ay nagpakita ng kakaibang galing sa loob ng ring, pero dalawa lang ang
nagharap sa huli: ang dating Powerboy na si Jordan "The Jaguar" Herrera at ang
kilalang personalidad sa radyo na si Rico "The Truth Behind the Booth" Robles.
Naging kapana-panabik ang labanang Herrera-Robles dahil sa tindi ng mga
ipinakitang gilas ng dalawang celebrity fighters sa mga nauna nilang laban.
Kumalat din sa loob ng Arena noong gabi ng laban na muntik na ngang hindi
umabot sa ring ang labanan ng dalawa dahil sa dugout pa lang daw ay
nagkakapikunan na ang dalawa.
Bilang isang "natural boxer," lamang si Robles sa kanyang kalaban pagdating sa
karanasan sa loob ng ring. Ilang taon nang nagsasanay sa sport, pangarap ni
Robles na makalahok sa Southeast Asian Games at kumatawan sa Pilipinas sa
larangan ng boxing. Samantala, mula nang matalo niya si TJ Trinidad sa
eliminations hanggang mapatumba si Joem Bascon sa semi-finals, malaking
improvement ang nakita kay Jordan, na halos isang taon pa lamang nagbo-boxing.
Bagama't nananatiling tahimik sa kanyang istilo sa boxing, siniguro niya na
pinaghandaan niyang mabuti ang laban niya kay Robles.
Bukod sa final match, nagkakaroon din ng dalawang makapigil-hiningang pagtutuos
sa undercard round.
Nakilala sila sa larangan ng pagkanta, pero pagdating sa boksing ay ipinakita
rin nilang may ibubuga sila? Nakatutuwa ang paghaharap ng reggae rapper na si
Blakdyak at Pinoy Dream Academy rocker na si Chad Peralta. Hanggang 2nd
round lang umabot ang labanan ng dalawa dahil nagwagi na sa laban si Chad.
Samantala, pagkatapos ng tatlong undefeated fights, muling sinubukan ng Pinoy
Mano-Mano ang galing ng tinaguriang hari ng undercard na si Jon "The
British Bulldog" Hall laban sa isang amateur boxer/silver medalist ng SEA Games
na si Rey Gadil. Naging kapanapanabik ang laban ng dalawa at dito ay tinanghal
na panalo si Rey.
Sa main event ay naging exciting ang
paghaharap nina Jordan at Rico at grabe ang hiyawan ng crowd habang
nagbubugbugan ang dalawa. Kanya-kanya manok ang mga nanonood at sa huli ay
tinanghal na kampeon si Jordan Herrera matapos niyang paduguin ang ilong ni
Rico. Parehong mahusay ang dalawang celebrity boxers pero ipinakita ni Jordan
na siya ang karapat-dapat na manalo sa labang iyon.
Si Mayor JV Ejercito ang nagsuot ng Championship belt kay Jordan. Naiyak pa ang former Powerboy sa kaligayahan nang itaas ng host na si Cesar Montano ang kanyang kamay bilang kampeon sa first season ng Pinoy Mano-Mano: the Celebrity Boxing Challenge. Nang makita raw niya ang ina niya na umiiyak habang nanonood ng laban, naging inspirasyon niya ito upang magpursige sa loob ng ring. Ayon pa sa kanya, sulit daw ang lahat ng kanyang paghihirap sa loob ng boxing ring dahil nakamit niya ang tagumpay na minimithi.
Nakita naming nanood at sumuporta ang ilan sa celebrities sa Pinoy Mano-Mano sina Eric Fructuoso, Janvier Daily, Michael Roy Jornales, Alvin Aragon, Rico Barrera, Chris Kayzer, at Joem Bascon.
Congratulations kay Jordan for being the first celebrity Pinoy Mano-Mano champion!