Pinuri ni Direk Jun Robles Lana sina Anne Curtis, Dennis Trillo at Paolo Ballesteros, tatlo sa tampok sa pelikulang Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend? na kanyang pinamahalaan.
“Anne Curtis is such a delight to work with.
“Napakagaan katrabaho. She makes everyone feel at ease. Napaka-professional.
“Her comic skills are on point. Pati sa drama magaling siya.
“Mataas ang respeto ko sa kanya, lalo na dahil nakikita kong ang taas din ng respeto niya sa lahat ng kanyang katrabaho,” panimulang saad ni Direk Jun nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Private Messaging ng Facebook last Saturday, September 3.
Dagdag pa niya, “Si Dennis Trillo matagal ko na ring katrabaho, mula pa noong nasa GMA ako.
“Ilang beses ko na siyang naidirek sa TV at pelikula.
“Ever since, hindi naman matatawaran sa pag-arte si Dennis.
“Refreshing lang na makita siyang nagpapatawa dahil madalas drama ang ginagawa niya.”
Ipinahayag din ng award-winning director ang pagka-bilib niya kay Paolo.
Si Paolo din ang lead star ng isa pang movie ni Direk Jun, ang Die Beautiful.
“Si Paolo Ballesteros ang madalas kong katrabaho ngayon, at halos nagsabay nga ang dalawang pelikulang ginagawa namin.
“Napakabait ding tao, marespeto sa lahat, at exceptionally talented.
“Ibang klaseng husay ang ipinakita niya bilang aktor sa Die Beautiful, mula make-up transformations na siya mismo ang gumawa, hanggang sa pag-arte.
“At ibang-iba rin ang character na pinakita niya sa Bakit Lahat Ng Guwapo May Boyfriend? Sobrang riot at nakakatawa ang mga eksena niya,” patuloy ng premyadong direktor.
Paano niya ide-describe ang dalawang pelikulang ito?
Sagot niya, “Yung Bakit Lahat Ng Guwapo May Boyfriend? is a romantic comedy; Die Beautiful is an LGBT comedy-drama film naman.”
BUSY WITH PROJECTS. Inusisa rin ng PEP kung bakit ang daming project ngayon ng The Idea First Company na pag-aari nila ng partner niyang si Direk Perci Intalan.
Masaya niyang balita, “Sunud-sunod talaga ang projects namin ngayon.
“Bukod sa pelikula, may mga ginagawa na rin rin kaming commercials at product launches. May binubuo rin kaming online content.
“Everybody knows na digital ang future ng TV.
“It's an exciting time to be producting content for various audiences and platforms. Ito naman talaga ang vision ni Perci para sa Idea First.
“Marami pa kaming projects na ipu-produce, kabilang na ang projects ng ilan sa mga naging estudyante ko sa CinePanulat Writing Workshop.
“Advocacy namin ang pagbibigay ng opportunity sa mga baguhan at talented na writers/filmmakers.”
Ang isa pa sa pelikula ng movie company nina Direk Jun at Perci ay ang Ang Manananggal sa Unit 23-B ni Direk Prime Cruz, starring Ryza Cenon at Martin del Rosario.
BOOMING INDIE FILM INDUSTRY. Although sumasabak din siya sa mainstream movies, isa si Direk Jun sa kinikilala rin sa indie scene.
Paano niya ide-describe ang lagay ng indie industry ngayon?
Lahad niya, “Thriving ang indie cinema natin ngayon, sa tulong na rin ng local film festivals na nagbibigay ng seed money sa mga filmmakers.
“Bukod diyan, marami ring filmmakers at producers ang kusang gumagawa ng passion projects nila.”
Anong indie film ang huli niyang napanood at nagandahan siya nang husto?
“Ang Pamilya Ordinaryo ang huling indie na napanood ko.
“Napakagandang pelikula. Noon pa man, fan na ako ng direktor nito na si Edong [Eduardo] Roy,” paliwanag pa niya.
Sinong artista na hindi pa nakakatrabaho na gusto niyang maidirek someday?
“Si Meryl Streep! Hahaha!
“Hindi nga. Mangangarap na lang, yung big time na, di ba?” natatawang pagtatapos ni Direk Jun.