Wala pang isang taon sa showbiz ang male newcomer na si Ralph Noriega.
“Magwa-one year na po ako this November,” umpisang pahayag ng 17 anyos na binata sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Someone To Watch Over Me ng GMA-7 sa Le Reve Events Place sa Quezon City.
Gaganap dito si Ralph bilang si Jepoy, ang kapatid ni Joanna (played by Lovi Poe).
AUDITION. Nag-audition siya last October 2015 sa GMA Artist Center (GMAAC) kaya siya napasok bilang Kapuso male star.
Two months later ay tinawagan na siya ng GMAAC at ang una niyang proyekto ay ang Poor Senorita na pinagbidahan ni Regine Velasquez-Alcasid.
“Ako po si Isko ng Poor Senorita,” pagtukoy niya sa naging karakter niya sa show na ka-love triangle ng StarStruck Season 6 First Princess and Prince na sina Ayra Mariano at Elyson de Dios.
Speaking of StarStruck, hindi nakapag-audition si Ralph sa StarStruck VI .
“Kasi nag-i-start na po yung StarStruck nung pinresent po ako ng manager ko dun [GMA Artist Center].”
Manager ni Ralph si Gilbert Belan na taga-Bian, Laguna. Best friend ni Gilbert ang ina ni Ralph.
Sa Pacita Complex, San Pedro, Laguna naninirahan ang pamilya ni Ralph.
Bago siya pumasok sa showbiz ay hinasa muna si Ralph ng manager niya.
Kuwento niya, “In-enroll niya muna po ako sa mga modelling agency.
“Actually, plano ko po talaga sa commercials lang, tapos biglaan po itong sa GMA na in-audition niya ako.”
EARLY PROJECTS. Sobrang natuwa raw si Ralph na ang una niyang show ay isang teleserye na pinagbibidahan ng Asia’s Songbird.
Bago raw siya isinalang sa Poor Senorita ay isinalang muna siya sa mga acting workshops.
Sabi niya, “Out of forty-one, napili po akong Best Actor sa workshop, so siguro iyon po yung naging stepping stone ko para po ako mapili sa role sa Poor Senorita.”
Mga produkto ng StarStruck ang karamihan sa nakasama niya sa naturang acting workshop, at ang mga nabigyan rin ng acting awards sa workshop nila ay sina Rob Moya, Mikee Quintos at Marika Sasaki na pawang mga taga-GMAAC rin.
Napanood si Rob sa Juan Happy Love Story, si Marika ay nasa Magkaibang Mundo at si Mikee ay nasa Encantadia.
Bida sa Someone To Watch Over Me sina Tom Rodriguez bilang si TJ Chavez, Max Collins bilang si Irene Montenegro at Lovi Poe bilang si Joanna Mercado.
Kasama rin sa show sina Jackie Lou Blanco bilang Cielo Chavez, Isay Alvarez at Ronnie Lazaro bilang Carmen at Ruben Mercado, Boy 2 Quizon bilang Paolo, at Frances Makil bilang best friend ni Joanna at Edu Manzano si Buddy Chavez.
Ang Someone To Watch Over Me ay sa direksyon ni Maryo J. Delos Reyes para sa GMA Telebabad.
WORKING WITH LOVI. Kapatid ni Lovi ang papel ni Ralph sa show. Hindi ba siya nape-pressure na isang mahusay na aktres ang lagi niyang kaeksena?
Ayon kay Ralph, “Siyempre, nung una po nape-pressure ako. pero nung nakaeksena ko na po siya, nung nagsimula na po kaming mag-taping, sobrang kumportable po pala talaga siyang katrabaho.
“Kaya ayun, naging kumportable na po kami sa isa’t isa. Tuwing magkaeksena po kami, kumbaga parang sanay na rin ako.
“Kasi may ate rin ako. Ang ginagawa ko na lang, kumbaga, iniisip ko na siya talaga yung tunay kong ate.
“Nung first, siyempre Lovi Poe yun, e.
“Tapos, ako, bagong artista lang ako, so parang ayun ang naramdaman ko, pero sobrang kumportable siyang katrabaho. Lahat sila, masasabi kong sobrang kumportable.”
RICO YAN. Bilang isang artista, medyo iba sa mga karaniwang naririnig namin sagot ang isinagot ni Ralph sa kung sino ang nais niyang sundan ang mga yapak.
Aniya, “Gusto kong maging Rico Yan talaga!
“Inabutan ko siya. Actually, pinapanood ko po siya, bata pa po ako nun.
“Hanggang ngayon nga natatandaan ko pa rin siya, e.
“Sobrang galing niyang artista and gusto ko yung nakakatulong siya sa mga tao nung buhay pa siya, may mga Rico Yan Foundation pa siya.
“So natutuwa ako sa kanya dahil ganun siyang tao – na nag-aartista, at the same time, magaling na aktor saka nakakatulong sa iba. So gusto kong maging siya.”
BIGGEST CRUSH. Kapag nabigyan na si Ralph ng solo o lead starrer sa TV o pelikula, sino ang nais niyang maging leading lady?
Mabilis niyang sagot, “Si Janine Gutierrez talaga yung gusto ko!
“Kasi sobrang crush na crush ko talaga siya.”
Hindi pa raw niya nakikita o nakikilala ng personal si Janine.
“Ayun, sana magkita kami kasi crush ko talaga siya,” panalangin niya.
At talaga raw dream come true para sa kanya kapag nakasama niya si Janine sa isang proyekto.
