Unang pelikula ng male newcomer na si Darwin Yu ang indie film na 1st Sem na kasali sa 2nd CineFilipino Film Festival nitong March.
Unang pelikula rin ito ng mga baguhang directors na sina Dexter Hemedez at Allan Ibanez na sila ring sumulat ng script.
“Nung tinext po ako ni Direk Allan na natanggap po ako sa audition, sobrang tuwa ko po nun,” umpisang kuwento ni Darwin.
“Kasi ano, parang ito na po yung start kasi siyempre nag-workshop pa po ako, marami din po akong pinagdaanan.
“Tapos. medyo naano po ako, naluha nung nakapasa po ako sa audition. Sinabi ko po agad sa mama ko.”
Isang kaibigan raw niya ang nagsabi kay Darwin na may ongoing audition para sa male lead star ng 1st Sem.
“Isang ka-workshop ko po. Tapos, sinabi niya mag-audition raw po ako.”
Nag-acting workshop kasi si Darwin sa ABS-CBN.
“2013 po, nag-enroll po ako. Yung last summer po, March, pangatlo ko na po yun.
“May every summer, may every October po.”
Ang direktor na si Rahyan Carlos ang facilitator ng workshop na sinalihan ni Darwin.
WORKING WITH LOTLOT. Anak ni Lotlot de Leon ang papel ni Darwin sa 1st Sem.
“Kinabahan po ako,” at tumawa si Darwin.
“Kasi nung sinabi po na si Ms. Lotlot ang makakasama ko, sobrang kinabahan po ako.
“Pero na-excite din po, kasi siyempre makakatrabaho ko po siya.
“Dati napanood ko lang po siya sa Feng Shui.”
Nerbiyos ang naramdaman ni Darwin sa unang shooting day na magkasama sila ni Lotlot.
“Buti si Ms. Lotlot po kinakausap po ako, tinulungan po niya ako, sobrang bait po ni Ms. Lotlot.”
Unang pelikula ni Darwin ay bida agad siya sa 1st Sem bilang si Maru Marasigan at ina niya si Lotlot bilang si Precy.
“Medyo natakot lang po ako, kasi baka hindi ko po magawa yung dapat kong gawin.
“Pero ginawa ko naman po yung best ko para magampanan yung role.”
INT'L FILM FESTIVAL ENTRY. Kamakailan ay napili ang 1st Sem para mapasali sa All Lights India International Film Festival na gaganapin sa Ramoji Film City, Hyderabad, India from September 24-27, 2016.
Napili ang 1st Sem para sa Debut Film Category ng naturang international film festival sa India.
“Tinawagan po ako nina Direk, na pupunta daw po kami sa India, ihanda ko daw yung passport ko.
“Sobrang minadali ko po talaga kasi yung passport ko expired,” at natawa si Darwin.
“Kaya pinaayos ko po kaagad, nag-alala po ako na baka hindi ako makasama.
“Kasi siyempre first time ko po na makakapunta sa India, tapos international film festival pa po na kasali kami.
“Sobrang excited po ako kaya inayos ko po agad lahat para makasama ako.”
Aalis sina Darwin at ang mga directors na sina Dexter at Allan (na siya ring mga namamahala sa career ni Darwin) patungong India sa September 23 samantalang susunod naman si Lotlot sa September 24.
Masayang-masaya si Darwin na napili ang pelikula na isa siya sa mga bida na maging entry sa isang international film festival.
“Hindi ko po ma-explain ang pakiramdam ko pero sobrang grateful po ako and blessed po!”
Halimbawang maging nominado si Darwin bilang Best Actor (at manalo) sa naturang filmfest sa India, ano ang mararamdaman niya?
“Baka himatayin po ako!”
FAVORITE ACTORS. Nais raw talaga ni Darwin na maging artista at ang mga iniidolo niya ay sina John Lloyd Cruz, Albert Martinez at Coco Martin.
“Yung mga roles po ni John Lloyd kasi dati, medyo bata pa po ako...
“Sa Maging Sino Ka Man, napapanood ko po siya
“Sa One More Chance, ang galing po niya.
“Nararamdaman ko po kasi talaga yung acting niya.
“Same kay Coco Martin saka kay Albert.
“Kay Coco nagustuhan ko din po yung pagiging kontrabida niya sa Tayong Dalawa pati kay Paulo Avelino sa Walang Hanggan.”
Iyon nga raw ang dream role ni Darwin, ang subukang maging kontrabida.
“Kay Albert po, sa Juan dela Cruz, ang galing po niya.”
DREAM LEADING LADIES. Kung bibigyan naman siya ng lead project sa pelikula o telebisyon, si Liza Soberano ang gusto ni Darwin na maging leading lady, at sa GMA-7 ay si Mikee Quintos.
“Si Liza, maganda po, crush ko po siya.
“Dati pag nakikita ko siya sa ABS, nasta-starstruck po talaga ako sa kanya!
“Si Mikee kasi nag-workshop din po siya nakikita-kita ko po siya. Ang ganda niya!”
Napapanood raw niya si Mikee sa Encantadia.
Nag-aaral ngayon si Darwin sa Trinity University of Asia sa E. Rodriguez at kumukuha ng kursong Tourism.
“Gusto ko po kasing mag-travel talaga sa iba’t ibang bansa,” sinabi ni Darwin.
Kahit raw ang mga kaklase niya (sa high school and college) ay sumuporta at nanood noong March ng 1st Sem.
Magkakaroon ng regular run sa mga sinehan ang 1st Sem early next year.
BIO. Darwin Jefferson Gonzales Yu ang tunay na buong pangalan.
Pure Chinese ang ama ni Darwin, Filipino/Spanish ang kanyang ina.
Bunso sa limang magkakapatid si Darwin na nineteen years old ngayon.
Hobby ni Darwin ang magbasa ng mga libro tungkol sa acting techniques.
“And mahilig din po akong manood ng mga pelikula, foreign films at tsaka indie films.”
Badminton, basketball, volleyball at swimming ang sports ni Darwin.
Siya rin ay isa sa mga celebrity endorsers ng Dannon Clothing.
