Naaliw si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa pag-spoof sa kanya ni Alden Richards sa Sunday Pinasaya bilang si Martin Paandar.
Si Martin Paandar ang tagapagpakilala sa mga gustong magtanong kay Pangulong Rodney "Dugong" Juterte na ginampanan naman ni Jose Manalo.
Dahil dito, ikinatuwa niya ang naturang segment ng Sunday afternoon show ng GMA.
Kuwento pa ni Secretary Andanar, “Siyempre sobrang sikat ni Alden Richards, e.
“Nakakataba ng puso kasi sobrang guwapo nun, e, at napakasikat.
“At yung ini-i-spoof ka ng napakasikat na tao, isa sa pinakasikat na artista ngayon. Salamat Alden.”
FROM PTV4 TO PBC. Sa intimate luncheon with few entertainment press kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last Wednesday, September 21, inanunsiyo din ni Secretary Andanar ang malaking plano ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasaayos ng government-owned TV station na PTV4.
Aniya, bibili ng mga makabagong kagamitan ang gobyerno para hindi mapag-iiwanan ang PTV4 sa ibang local TV stations sa bansa.
Pati na din ang Radyo ng Bayan at Philippine Information Agency (PIA) ay magkakaroon din daw ng malaking pagbabago sa susunod na taon.
Iibahin na rin daw ang pangalan ng PTV4 at gagawin na itong PBC (People’s Broadcasting Corporation) na hango sa state-owned news network sa United Kingdom na British Broadcasting Corporation (BBC).
May mga taga-BBC daw na pupunta sa Pilipinas upang tutulong sa pagsasaayos ng PTV4 patungong PBC.
Si Senator Loren Legarda (Senate) at Quezon City Representative Alfred Vargas (Lower House) ang nag-sponsor ng mga bills para magkaroon ng basbas ng mga mambabatas ang planong ito.
Hindi rin daw magiging tuta ng gobyerno ang People’s Broadcasting Corporation.
