May ginawa nang album si Maya sa U.S. kasama ang grupong Blush. Pero digital album daw ito.
Nakagawa na rin pala siya ng album sa Viva Records noong 15 years old pa lang siya, pero CD Lite lang daw ito.
Kaya ngayon pa lang daw talaga ang full album niya, ang Migz & Maya under Star Music.
“Ito talaga ang legit na album talaga,” pagmamalaki ni Maya (real name: Angeli Mae Flores) sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
Isang taon pa lang simula nang nilunsad ng PPL Entertainment, Inc. sina Maya at Migz Haleco bilang duo. May anim na buwan din daw siguro ang naging preparasyon at pagkakagawa nila ng album.
Kumusta na ang isang taon nila ni Migz?
“Noong una, focus kami sa paghahanap ng gigs.
“Yun muna ang ginawa namin, gigs kami every night.
“Para ma-practice rin kami, mag-jive ang music namin.
“Parang training ground na rin namin as a band and as a duo.
“Para makilala rin kami,” saad niya.
Patuloy niya, “Kung wala kaming gigs, sa mga events.
“Dun yung live performances talaga. Hanggang sa dumating nga ang Star Music, dun, nadagdagan na.
“Hanggang sa nagka-album at kumanta kami ng theme song na How To Be Yours sa movie. Nagkaroon ng TV guesting, radio tour.
“Sa one year na yun, ang dami nang nangyari and thankful kami sa blessings. Hindi namin akalain na ganun kabilis.”
HIT. Naging malaking tulong din sa singing duo na sila ang kumanta ng theme song ng How To Be Yours, ang 2016 movie nina Bea Alonzo at Gerald Anderson.
Masayang sabi ni Maya, “Kapag nakikita kami ng mga tao, sinasabi nila, sila yung kumanta ng 'Ambon.'”
NO PLACE LIKE HOME. Magkasabay lang sila ni Sarah Geronimo dahil nang manalo si Sarah sa Star For A Night, isa si Maya sa mga grand finalists naman na nakalaban nito.
Pero pinili ni Maya na maging miyembro ng international female group na Blush, kunsaan sa loob ng limang taon ay naikot na niya halos ang mundo, at iba’t ibang international singers na rin ang nakita at nakasama.
Pero pagdating dito sa sariling bansa, masasabing baguhan pa lang siya at nagsisimula ng recording career.
Sa palagay niya, ngayon pa lang talaga ang tamang panahon sa kanya sa Pilipinas?
Saad niya, “Oo naman. Sa akin kasi, walang late-late.
“Sa akin kasi, if you have a dream and determinado kang ma-achieve yun, wala namang dapat pumigil sa ‘yo.
“Kasi, that’s what you want and that’s what you like to do, as long as you’re doing your best at wala ka namang naaapakang tao.
“Sobrang nag-enjoy na 'ko sa ibang bansa. Nakapag-tour na ako around the world. Nakita ko na ang iba’t ibang lahi, experience and all.
“Nakakilala ako ng ilang artists na I never thought na makikilala ko.
“Pero totoo pala ang kasabihan na there’s no place like home. Iba pala.
“Kasi totoo naman, dahil nandito ang family, friends.”
Pero kung may nami-miss man daw siya sa dating buhay, ito ay yung travels pa rin nila.
“Nami-miss ko rin yung travels, kasi dito ngayon, sobrang busy kami.
“Every day may event, and every night may gigs.
“Hindi naman ako nagrereklamo, kasi I love what I’m doing.
“Pero nakaka-miss din na before, every day, different cities.
“Pagkagising mo, nasa ibang lugar ka na. It’s fun.”
Aminado naman si Maya na nagkaroon din siya ng struggle noong umpisa dahil change of lifestyle raw talaga.
“Pero yun nga, palagi rin nilang ipinapaalala sa akin na wala ka na sa ibang bansa, nasa Pilipinas ka na.
“Iba. Iba, e. Iba ang kultura, iba ang lifestyle, pacing.”
READY TO GO SOLO? Sa isang banda, masasabing naging maganda ang musical training ni Maya dahil nasubukan na niyang makisama sa isang group (Blush), at sa kasalukuyan ay mayroon naman siyang ka-duo.
Pero hindi ba niya inasam na maging solo artist?
“Well, I’ve always wanted to do a solo album and be a solo artist.
“Pero itong duo namin ni Migz, hindi ko talaga siya nakita. Hindi ko na-predict na mangyayari ‘to.
“I’m enjoying right now, masaya siya.
“Enjoy kami ni Migz kahit siyempre minsan, may ups and down, pero ganun din naman sa Blush. Lalo na kami puro babae pero at the end of the day, it’s all about the music.”
HAPPY ABOUT WORKING RELATIONSHIP WITH MIGZ. Nagulat din daw silang dalawa ni Migz nang sabihin ni Jonathan Manalo ng Star Music sa naging press launch nila sa kanilang album na Migz & Maya kamakailan lang sa 17th Floor ng ELJ Building na sila pa lang pala ang kauna-unahang acoustic duo na contract artists ng Star Music.
“Hindi ko alam. Nagulat din kami,” nakangiti niyang sabi.
“Pero siyempre, wow, di ba?”
Kailan lang din naman na naging sila ng co-PPL artist din niya na si Geoff Eigenmann. Mas nauna silang nagkakilala at nagsama ni Migz, pero yun nga raw, naunahan pa ito ni Geoff.
Hindi ba sumagi sa isip niyang paano kung sila na lang pala ni Migz even in real-life ang duo nila?
“Hindi ko rin kasi alam kung kami, pero ito, itong relationship namin ngayon, okay siya.
“Hindi ko masasabing mas okay kung hindi kami or kung kami, pero yun nga, ngayon, sobrang okay kami.”
Hindi nila naisip o nag-attempt na maging sila?
“Hindi, e, naunahan nga ng work,” saad niya.
“Parang hindi mo naisip na i-girlfriend or i-boyfriend, parang work na agad ang naka mindset sa amin.”
NO JEALOUSY ISSUES. Kinumusta rin namin si Maya kung hindi ba niya nararamdaman na baka mula nang maging sila ni Geoff, naiilang na rin pala si Migz?
“Hindi,” lahad niya.
“Akala ko noong una, parang weird, partner kami. Hindi ko naman alam kung ano ang dating sa kanila, ano ang nasa utak nila. Pero okay naman sila, cool naman sila.”
Hindi ba nagseselos si Geoff kay Migz?
“Hindi, hindi naman,” natawa niyang sabi.
“Alam naman niyang partner lang talaga kami ni Migz.”
