Very touching ang naging eksena sa simula ng anniversary presscon ng FPJ’s Ang Probinsyano (FPJAP) kagabi, Setyembre 29, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound.
Muli kasing binigyang-pugay at pinasalamatan ni Coco Martin ang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces. Hinandugan pa ni Coco ng bouquet of flowers si Susan.
Isang taon na kasi sa ere noong Setyembre 28 ang FPJAP, kung saan gumaganap sila bilang mag-lola. Si Susan ay si Kapitana Flora o Lola Kap, habang si Coco naman si SPO2 Ricardo “Cardo” Dalisay. Ang role na ito ni Coco ay unang ginampanan sa pelikulang Ang Probinsyano ng yumaong mister ni Susan at Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.
Mensahe ni Coco para kay Susan, “La [Lola], sa lahat po ng bumubuo ng FPJ’s Ang Probinsyano, mula sa aming cast, mula sa Dreamscape, sa ABS-CBN… La, maraming-maraming salamat po sa pagmamahal at pagtitiwalang ipinagkaloob n’yo po sa amin. Dahil po sa inyo kaya po nabuo ang FPJ’s Ang Probinsyano. I love you!”
Kung hindi nga naman pumayag si Susan na gawin sa telebisyon ang FPJAP ay hindi umeere ngayon ang naturang primetime teleserye.
Tugon naman ni Susan kay Coco, “Maraming salamat, Coco. Nais kong pasalamatan si Coco Martin, ang Dreamscape dahil binuhay nila ulit ang alaala ni FPJ. Those who followed the movies of FPJ, naging adhikain niya ang ipakita that good triumphs over evil.
“Nandito si Jaime [Fabregas, na nakasama noon ni FPJ] para magpatunay niyan. Karamihan sa inyo marahil ay hindi n’yo pa napapanood ang mga pelikula ni FPJ. Tinatanaw kong malaking utang na loob ang inspirasyon na hinugot ni Coco sa mga pelikula ni FPJ. Isa lang siya sa iilan na nag-appreciate ng mga action movies ni FPJ at dahil diyan ay natuklasan niya ang FPJ’s Ang Probinsyano. Maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nanonood at sumusubaybay, at ang aming pasasalamat sa ABS-CBN at sa Dreamscape na isinabuhay nilang muli ang obra ni FPJ.”
COCO IS PRICELESS. Napakaganda ng relasyon nina Coco at Susan on- and off-cam, na nagsimula pa nang magsama sila ABS-CBN teleseryeng Walang Hanggan noong 2012.
Tulad ng totoong lola, sinagip ni Susan si Coco nang matanong sa presscon ang aktor, “How much are you worth now?” dahil sa tinatamasang kasikatan nito ngayon.
Pero tila hindi kumportable at hindi malaman ni Coco kung paano ito sasagutin, kaya kaagad siyang sinalo ni Susan at sinabing, “Coco is priceless!”