Masayang-masaya si Vic Sotto sa thanksgiving party na ibinigay ng OctoArts Films at M-Zet TV Productions para sa box-office success ng Enteng Kabisote 3: Okay Ka Fairy Ko (The Legend Goes On and On and On) at Best Picture award na nakuha nito sa isinasagawang 2006 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ginanap ang nasabing pagdiriwang kahapon, January 2, sa Virgin Café, Tomas Morato, Quezon City.
Panay pa ang biro ni Vic sa harap ng mga dumalong press. Hawak niya ang Best Picture trophy at winika niya, "Eto, hindi na ito mapapasakamay ng ibang tao. Umiyak na kayo hanggang gusto ninyo, pero dito na ito matutulog sa bulsa ko!"
Nagpasalamat din siya sa mga jurors ng MMFF.
"This is really unexpected. I was expecting other awards, pero hindi namin nakuha. Hindi naman ako umangal kasi kanya-kanyang opinyon ‘yan. May sariling opinion ang mga judges, ang mga nagpapatakbo ng festival at nirerespeto ko lahat ‘yon," pahayag pa ni Vic.
"Although this was unexpected, malugod namin itong tinatanggap and this recognition is a bonus sa recognition na ibinigay sa amin ng mga manonood. Ginawa nilang topgrosser ang Enteng Kabisote for the third time. And I am proud to announce na yung record ng Enteng Kabisote 2 ay na-break na namin. Tapos may bonus pang award, kaya masayang-masaya kami," puno ng galak na dagdag ng top comedian.
Ayon kay Vic, hindi ito ang first time na nanalo ng award sa MMFF ang mga pelikula niya. Kung matatandaan daw, noong 1991, ay nanalo si Tetchie Agbayani ng best-supporting actress award at best-child performer naman si Aiza Seguerra for Okay Ka Fairy Ko: The Movie. Nanalo rin ang nasabing pelikula ng Best Float.
The following year, 1992, ay nanalo naman ang Okay Ka Fairy Ko: The Movie 2 ng Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award. Nanalo rin ito ng awards for Best Visual Effects at Best Float.
Pero idiniin ni Vic na ang higit na mahalaga sa kanya ay nakapaghatid siya ng kasiyahan sa mga nanood ng Enteng Kabisote 3. Ginawa raw nila ang lahat to come up with an entertaining film at amply rewarded naman sila dahil patuloy ngang pinipilahan ang pelikula. Since Day One ng festival ay numero uno na ito sa takilya.
Samantala, hindi pa raw alam ni Vic kung gagawa sila ng Part 4 ng Enteng Kabisote. Makakapag-decide lang daw sila kapag nakapag-brainstorming na sila ng kanyang production team. Matagal daw ang pre-production work nila sa Enteng Kabisote 3 at kung may Part 4 ay paghahandaan din nila itong mabuti.
Sa ngayon ay pinaghahandaan na ni Vic ang first team-up nila ng Comedy King na si Dolphy. Kung maayos daw ang lahat ng kailangan, baka magsimula na silang mag-shoot ngayong January.