Matagal nang hiwalay ang magkasintahang Mylene Dizon at Paolo Paraiso. Kamakailan nga ay napabalitang mayroon nang kanya-kanyang bagong pag-ibig ang dalawa.
Si Mylene ay ikinakabit ang pangalan kay John Estrada, na kakahiwalay lang din kay Vanessa del Bianco. Sa kabilang banda, si Paolo Paraiso naman ay kay Alicia Mayer, na dating nobya naman ni Joey Marquez.
Sa magkakahiwalay na interviews ng S-Files last Sunday, January 7, nagbigay ng kani-kanilang pahayag sina Alicia, Paolo at Mylene.
Dahil nakikitang madalas kasama ni Paolo si Alicia, ipinagpapalagay ng marami na ang sexy actress na ang ipinalit ng sexy actor kay Mylene. Una namataan sina Paolo at Alicia together sa Celebrity Boxing noong November 18 sa Star City Activity Center.
Pero ayon na rin mismo kay Alicia, wala raw katotohanan ito. Magkaibigan lang daw sila ni Paolo.
"First time na narinig ko yung tsismis, tinawagan ko siya [Paolo] to ask him for Mylene's number—to be fair na malaman niyang hindi totoo," sabi ni Alicia.
"I think they are separated for more than three months na when they saw us together watching the boxing. We don't call each other. Invite-an. Never nangyari yung natuloy na lumabas kami," dagdag pa niya.
Depensa naman ni Paolo, "May napagsamahan din kami ni Alicia, so nung nagkita kami after a long time... Siguro may nakakita, nabigyan ng kulay."
Samantala, nali-link naman ngayon si Mylene kay John. Inamin ni Mylene na lumabas silang dalawa ng aktor, pero gimik lang daw ‘yon at hindi date.
"Yes, we've gone out pero not a date or anything. Nothing special, just gimmick. Siguro, ka-level lang yan nung balitang nali-link si Paolo kay Alicia Meyer. Ganun lang yun," sabi ni Mylene.
Hiningan din ng reaksyon ng S-Files si Paolo tungkol sa tinuran ni Mylene, ang ina ng kanilang anak na si Tomas Miguel.
Napangiti muna siya bago sumagot, "Natawa ako kasi alam ko na magkaibigan sila. Hindi ko nakikita yung Mylene-John na relationship."
Bilang pangwakas, ito ang pahayag ni Mylene: "Nung naghiwalay naman kami, alam naman namin na mangyayari to e. We're just happy for each other kung mangyari nga yun."