Ang mga kamag-anak sa Guinobatan, Albay, na biktima ng Typhoon Reming ang tinutulungan ngayon ng midget actor na si Mura. Awang-awa si Mura sa kanyang mga kamag-anak na nawalan ng bahay dahil sa malakas na bagyo.
Si Mura ang breadwinner ng pamilya. Siya ang hinihingan ng tulong sa tuwing may problema tungkol sa pera.
Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mura sa 13th Floor ng ELJ Bldg., ABS-CBN Compound, nabanggit nito na may pagkakataon na wala siyang maibigay na financial help sa kanyang pamilya. Nalulungkot daw siya sa tuwing sinasabi ng mga humihingi ng tulong na artista siya kaya imposibleng nauubos ang kanyang pera.
Ayon kay Mura, pilit niyang iniipon ang kanyang pera dahil sa takot na baka dumating ang araw na walang tumulong sa kanya kapag siya naman ang nangailangan.
Alam ni Mura ang isyu na naghihirap na si Mahal, pero nagde-deny pa rin ang huli. Tumataba raw si Mahal at ikinuwento pa nito ang balak na pagpapa-botox sa mukha. Apparently, ang pagtaba ang basehan ni Mahal para patunayan sa mga tao na hindi totoo ang tsismis na naghihirap na siya.
Magkaibigan sina Mura at Mahal—na unang nagkasama sa noontime show ng ABS-CBN noon na MTB—pero magkaibang-magkaiba ang kanilang lifestyle. Sinabi ni Mura na hindi siya katulad ni Mahal na mahilig gumimik at, di gaya ng dating TV partner, wala rin siyang problema sa kanyang manager.
Hindi rin nawawalan ng projects si Mura dahil bukod sa pelikulang Agent X44 ng Star Cinema, kasama rin siya sa cast ng Super Twins, ang bagong fantaserye ng GMA-7.