Sabik nang makadalaw si Jacque Estevez sa Eat Bulaga!, ang noontime show na nagbigay sa kanya ng break bilang bahagi ng SexBomb Girls upang makilala ng madla at maka-penetrate sa mundo ng entertainment.
Mula nang umalis siya sa Eat Bulaga!, sa TV na lang napapanood ni Jacque ang mga dating kasamahan sa top-rating noontime show ng GMA-7 at TAPE Inc. Kaya kung mabibigyan ng pagkakataon na mag-guest ang 19-year-old na Cebuana, paghahandaan niya raw ito nang husto.
"Sobrang miss ko na po sila! Hindi pa ako nakapag-guest kahit minsan mula nang umalis ang grupo. Wala na kasi ako sa SexBomb nang nag-guest sila e. Hopefully, makapag-guest ako one of these days at sobra akong magiging happy," nakangiting pahayag niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa isang panayam sa Baliwag Grille and Restaurant.
Sakaling ipalit siya kay Gladys Guevarra, na kailan lang ay nag-resign sa show, payag na payag daw si Jacque dahil naniniwala siyang malaking kawalan sa SexBomb ang pag-alis nila sa Eat Bulaga!
"Kung kukunin nila akong kapalit ni Gladys? Opo, papayag po ako, sobrang okay ‘yon! Pero hindi na po ba siya [Gladys] babalik?" tanong pa niya na may halong excitement.
"Medyo malaki talaga ang ipinagbago ng popularity ng aming grupo mula nang umalis kami. Lahat kami, talagang naapektuhan sa pagkawala namin sa EB. Sa palagay ko, sobrang bumaba ang popularity ng SexBomb dahil sa pangyayaring ito," opinyon pa niya.
Hindi na nag-renew si Jacque sa SexBomb nang nag-expire ang kanyang kontrata September of last year. Ang ibinigay na dahilan ng singer-dancer ay upang maghanap ng "greener pasture at mag-explore ng ibang level ng kanyang career" sa showbiz. Pero ayon kay Jacque, maayos naman silang naghiwalay ng kanyang dating manager na si Joy Cancio.
"Wala naman pong sigawan, nag-text lang ako kay Ate Joy. Before that kasi, nag-personal na paalaman kami. Pero naging malabo pa yun e, parang hindi pa sigurado kung ano'ng mangyayari. Magulo na, parang hindi na maayos, ang dami nang lumalabas na balita. So nag-text ako sa kanya, pero hindi siya nakapag-reply. Siguro busy," kuwento ni Jacque.
Nilinaw naman ni Jacque na okay pa rin ang samahan nila ng mga dating kasama niya sa SexBomb hanggang ngayon.
"Nami-miss ko rin sila kasi nag-enjoy talaga ako nang nasa grupo ako. Wala kasi akong kapatid. Naramdaman ko sa kanila yung parang may sisters ako, may ka-jamming sa lahat ng mga kalokohan," medyo malungkot na wika ni Jacque.
Sa balitang pag-alis ni Rochelle Pangilinan sa SexBomb, sinabi ni Jacque na naniniwala siyang magsu-survive pa rin ang grupo kung sakali mang aalis nga ang pinakasikat na miyembro ng all-girl group.
"Well, kung nandoon pa naman si Ate Joy to support the group, sa tingin ko ay may pag-asa pa rin. Magsu-survive naman sila," matipid na paliwanag niya.
Nang nag-solo si Jacque, naging madalang ang dating ng trabaho sa kanya. Hanggang dumating ang suwerte sa kanya para maging regular sa Teka Mona sa ABC-5 ni Joey de Leon.
"Nag-text kasi ako kay Tito Joey and nagpapatulong ako sa kanya na mabigyan ako ng trabaho. Kasi alam naman niya ang situwasyon ko, na ako ang breadwinner sa pamilya e. Then one day, biglang may tumawag sa akin at kinukuha na ako para maging regular sa Teka Mona," sabi ni Jacque.
Sa ngayon, puntirya ni Jacque na muling ma-penetrate ang recording dahil bukod sa pagsasayaw ay hilig niya talaga ang pagkanta.
"Nagkaroon na po ako ng album more than a year ago pa, mula sa Vicor Records. Sabi ng iba, hindi raw masyadong na-promote yung album ko... Kaya panalangin ko this time, sana ay masundan pa yun. Gusto ko pong mag-record ng ala-Britney Spears na album," pangwakas na pahayag ni Jacque.